DALAWANG dahilan para lisensiyahan ang baril:
Una, para legal na depensa kontra masasamang loob.
Ikalawa, pang-kompetisyon at pribadong koleksiyon.
Malaking tulong sa pulisya na may baril ang mga kwalipikado. Hindi kaya ng pulis patrolyahan ang bansa at rumesponde sa lahat ng tawag oras-oras. Kulang sa tauhan at kagamitan ang PNP.
Padaliin sana ng PNP ang paglisensya. Gawing malimit ang gun-safety seminars, huwag ‘yong manaka-naka at atrasado sa takdang oras. Limitan din ang neuro-psychiatric exam, at test-firing ng baril para sa ballistics files. Pabilisin ang proseso at murahan ang bayad.
Kapag mahirap magpalisensya mawawalan ng gana ang debaril na mag-legal. Masasama ang baril niya sa dalawang milyong loose firearms.
Hindi nagpapalisensya ang kriminal. ayaw niyang matunton sa kanya ang baril kapag pinaputok sa tao o anoman.
Masiyadong burokratiko ang PNP. Pinahihirap ang proseso kahit sa matanda nang lisensyado na nais ibenta ang pistol o revolver. Ino-obliga siyang mag-renew ng License to Own and Possess Firearm. Mahal ‘yon. Tapos, bukod pang irerehistro ang mismong baril. Panibagong gastos.
Mas pahirap: kapag riple o shotgun ay bawal ibenta. Nihindi puwede ipamana sa asawa, anak, apo, o kapatid. Inoobliga ng PNP na isuko ito sa kanila. Sa anong dahilan ay hindi maintindihan. Kaya imbis na isuko ito ay tinatago na lang ng matanda.
Sentido kumon lang: padaliin ng PNP na maging legal ang mga baril. Tapos tugisin ang mga hindi lesinsyado at mga kriminal na nagtatago nu’n.
Payo ‘yan ni Senate President Francis Escudero.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).