^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Walang ‘sacred cows’ sa Barayuga murder

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Walang �sacred cows� sa Barayuga murder

MGA pulis ang nasa likod ng pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 30, 2020. Pero sabi ni PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Jean Fajardo walang “sacred cows” sa gagawing pag-iimbestiga. Wala raw sasantuhin sa gagawing pag-iimbestiga kahit pa ang mga sangkot ay mga pulis. Lahat daw ay sasampahan ng kaso at magiging pra­yoridad ng PNP ang kaso ng pagpatay kay Barayuga. Uunahin umano ito bago ang iba pang kaso (mahigit 6,000) na may kinalaman sa drug operations na ginawa sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte. Isang pulis mula sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang lumutang at isiniwalat ang mga “utak” sa pagpatay kay Barayuga.

Ayon kay Lt. Col Santie Mendoza sa pagdinig ng House quad committee noong Setyembre 26, 2024, inutusan umano siya ni dating Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo na patayin si Barayuga sa utos naman ni dating PCSO General Manager Royina Garma. Ayon kay Mendoza, ipinapapatay si Barayuga dahil sangkot umano ito sa illegal drugs.

Nang sabihin umano ni Mendoza na magsasagawa siya ng pag-iimbestiga kay Barayuga, sinabi ni Leo­nardo na hindi na kailangan dahil tapos na at ibibigay na lang sa kanya ang profile at plate number, kulay at uri ng sasakyan ni Barayuga. Pati ang retrato umano ni Barayuga ay ibinigay para madali itong makilala. Sabi pa raw ni Leonardo sa kanya, ang isasagawang pagpatay ang magpapaganda ng direksyon ng kanyang karera bilang pulis.

Sabi pa ni Mendoza sa pagdinig, hindi niya matang­gihan si Leonardo dahil upper classmen niya ito sa Phi­lippine National Police Academy. At isa pa, ang nag-uutos mismo ay ang PCSO general manager. Bi­nigyan umano siya ng P300,000.

Ipinasa umano niya ang lahat ng impormasyon sa asset na si Nelson Mariano at ito ang komontak sa gunman na si Loloy. Isinagawa ang pag-ambus sa corner ng Calba­yog at Malinao Streets sa Bgy. Highway Hills, Mandaluyong City, dakong alas tres ng hapon maka­raang lumabas sa tanggapan ng PCSO si Bara­yuga.

Itinanggi nina Garma at Leonardo ang akusasyon ni Mendoza. Sabi ni Garma, hindi niya kilala si Mendoza. Wala raw siyang nalalaman sa mga sinabi nito.

Sabi ni Mendoza, lumantad siya para manaig ang katotohanan. Nakokonsensiya umano siya na ipina­patay ang taong walang kasalanan. Natatakot din umano siya para sa kanyang buhay at pamilya.

Bilisan ng PNP ang pag-iimbestiga sa Barayuga mur­der upang maisilbi ang hustisya. Harinawang walang “sacred cows” sa pag-iimbestiga. Panagutin lahat.

vuukle comment

PCSO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with