^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Pilipinas, nangungunang rice importer sa mundo

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Pilipinas, nangungunang rice importer sa mundo

ANG Pilipinas pa rin ang nangunguna at pinakamalaking rice importer sa mundo ngayong 2024 na sinundan ng China, Indonesia, European Union, Nigeria at Iraq ayon sa  USDA’s Economic Research Service. Ang rice import ng Pilipinas ngayong taon ay tinatayang 3.8 milyong metriko tonelada na galing sa Vietnam. Ayon pa sa USDA, kung magpapatuloy ang paglaki ng populasyon ng Pilipinas, mananatiling number one rice importer sa mundo.

Noong kauupo pa lamang ni President Ferdinand Marcos noong Hunyo 30, 2022, nasabi niya na nasa­saktan ang kanyang loob at hindi matanggap na ang bansa sa kabila na isang agricultural na bansa ay nana­natiling importer ng bigas. Ibig niyang sabihin, bilang isang agricultural na bansa ang Pilipinas, hindi dapat umaangkat ng bigas. Naturingang malawak ang lupang sakahan pero bumibili ng sangkaterbang bigas.

Mahigit isang taon na hinawakan ni Marcos ang pagiging Agriculture Secretary. Sabi pa niya, napaba­yaan ng mga nakalipas na administrasyon ang Agri­culture department kaya siya muna ang hahawak. May mali raw sa sistema kaya dapat maisaayos. Pero lumi­pas naman ang isang taon at wala ring nangyaring pag­babago mula nang hawakan niya ito. Patuloy pa rin ang pag-import at lumaki pa nga.

Hindi rin niya natupad ang pangakong P20 per kilo ng bigas. Sa kasalukuyan, ang presyo ng bigas sa pamilihan ay P40 hanggang P60. Hirap na hirap ang mamamayan na makabili ng murang bigas.

Itinalaga niyang Agriculture Secretary si Francisco Tiu Laurel, Jr. makalipas ang mahigit isang taon. Na­ngako si Tiu-Laurel na pagagandahin ang ani at tutulungan ang mga magsasaka. Noong nakaraang taon, ipinagmalaki ni Tiu-Laurel na umabot sa 20.06 milyong metriko tonelada ng palay ang naani. Ito umano ang pinakamataas na ani ng bansa sa kasaysayan. Sinisikap daw niya na mapapaba ang production cost ng mga magsasaka para lumaki ang kita ng mga ito.

Sa kabila ng mga magagandang ginagawa ni Tiu-Laurel sa DA, ang nararapat sana niyang pagsikapan ay kung paano unti-unting mababawasan ang pag-import ng bigas. Malawak ang taniman ng palay pero nag-iimport. Mas malawak ang taniman ng Pilipinas kaysa Vietnam at Thailand pero ang dalawang nabanggit na bansa ang top importers ng bigas sa mundo.

May mali sa sistema at may korapsiyon kaya pa­tuloy na nag-i-import ng bigas ang Pilipinas. Hindi ka­tang­gap-tanggap na number 1 importer ng bigas sa mundo ang Pilipinas. Pinabayaan ang sector ng agri­kultura. Walang sapat na patubig, kulang sa ayuda ang mga magsasaka, walang kalsada para mailuwas ang ani at marami pa. Kung patuloy na pababayaan ang sector ng agrikultura, buong panahon na aangkat ng bigas ang Pinas. Kakahiya!

ECONOMIC

RICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with