PARA talagang nagmula sa isang hulmahan sina Vice President Sara Duterte at ang tatay niyang si dating President Rodrigo Duterte. Sa pag-uugali at pananalita, iisang kaluluwa sila. Wika nga, like father, like daughter.
Tingin ko, mas matapang pa si VP Sara sa tatay niya. Nang Presidente pa si Tatay Digong, ipinagmalaki nito na isang kriminal ang isinakay niya sa helicopter at pagdating sa himpapawid, inihulog niya sa karagatan.
Ngayon, ang anak niyang si Sara ay ipahuhukay ang bangkay ni dating Presidente Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at saka itatapon sa West Philippine Sea.
Tapos, dahil sa inis niya kay President Bongbong porke hindi ibinigay ang relo sa isang PMA cadet na humingi nito, gusto raw niyang pugutan ito ng ulo.
Ang unang napabalitang kabagsikan ni Sara ay noong Mayor pa siya nang Davao City nang sapakin niya ang isang sherif na tumutupad lang sa court order na paalisin ang ilang illegal settlers sa isang lugar doon.
Ang isa pang hindi makakalimutan ng madla ay nang matagpuan sa Davao City ang labi ng isang Australian lady missionary na biktima ng rape at tahasang sinabi ni Tatay Digong na dapat, siya na isang mayor noon ang dapat pinauna ng rapist.
Ang husay ng sense of humor ni Tatay! Hagalpak sa tawa ang taumbayan nang ipahayag niya ito. Pero sabi naman niya “dyok lang”.
Ngunit heto ang hindi joke. Nang sumalubong siya sa mga OFW na dumating mula abroad, hinalikan niya nang mariin sa labi ang isang babaing OFW sa harap ng TV camera. Aba, malakas ang appeal ni Tatang! Inggit lang silang pumupuna!
Gawin din kaya ni Sara ang mga ito kapag naging Presidente? Dapat para masaya di ba?
Kapwa tumatanggap ng masigabong palakpakan ang mag-ama sa ganitong mga pangyayaring ipinamamarali nila sa publiko. Iyan ang ugaling Pilipino, gusto nila matatapang at magagaspang na namumuno.
Join na kaya tayo sa bandwagon nila? Hoy, hoy, teka —huwag n’yo akong iwan! Dyok lang!