TULUYAN na ngang naghiwalay ng landas sina Vice President Sara Duterte at President Bongbong Marcos Jr. Malaki kasi ang hinala ni Sara na si PBBM ang nasa likod ng imbestigasyon ng House quad committee kaugnay sa intelligence fund na naubos sa loob lamang ng 11 araw.
Noong Biyernes, nagpatawag ng press con si Sara at inupakan si PBBM. Ang masakit na sinabi ni Sara ay ipahuhukay daw niya ang bangkay ng ama ni PBBM na si dating President Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani at itatapon niya sa West Philippine Sea. Maraming Marcos loyalist ang umalma sa sinabi ni Sara. Pati si Senate President Chiz Escudero ay nagsabing hindi dapat nagsalita ng ganun si Sara. Pati Simbahang Katoliko ay nagsabing dapat igalang ang nakahimlay na.
Pati si House Speaker Martin Romualdez ay hindi nakaligtas sa mga banat ni Sara. Noon pa mang kumalas si Sara sa Department of Education (DepEd) noong Hunyo ay halatang irita na ito kay Romualdez. Isinasagawa kasi noon ang imbestigasyon sa intelligence fund ni Sara. At nitong nagdaang mga araw, nabuksan naman ang paglustay ng P16 milyon na ginastos sa mga pasilidad at safehouses.
Ayon sa supporters ni Sara, ang pag-iimbestiga ng House of Representatives ay paninira lamang sa mga Duterte at mga kapartido nito na kandidato sa 2025 midterm election.
Ang mga isyung ito sa palagay ko ang dahilan kaya sunud-sunod ang banat ni Sara at talagang tuluyan na siyang humiwalay ng landas kay PBBM.
Nalaman ko na sa susunod na hearing ng quad comm ay ipatatawag ang anim na opisyales at pagpapaliwanagin sa P16 milyon na naubos ng Office of the Vice President (OVP) sa loob ng 11 araw. Kaya palagay ko marami pang pasasabuging puna at batikos si Sara laban kay PBBM. Abangan!