Napakasaklap na marinig sa isang Vice President ang isang iresponsableng pahayag kahit pa ito’y silakbo ng kanyang galit kay President Bongbong Marcos Jr.: “Ipahuhukay ko ang bangkay ni (dating Presidente Marcos) at ipatatapon ko sa West Philippine Sea.” Ito mismo ang harap-harapang sinabi ni VP Sara kay Sen. Imee Marcos.
Marahil, ang ipinagpuputok ng butse ni Sara ay ang patuloy na paghalukay sa issue kung paano ginastos ng Office of the Vice President ang kanyang intelligence fund ng House Quad Committee. Ang binitawan niyang statement ay sumulpot lang bigla marahil sa kanyang bibig bunsod ng galit.
Pero para sa isang opisyal ng pamahalaan na isang “hatsing” na lang ang distansiya sa pagka-presidente ay hindi niya dapat sinambit ang pahayag nang walang urbanidad at pinag-aralan. She was obviously emulating her badass father who, in his Presidency said, itatapon niya sa dagat ang mga kriminal upang ipalamon sa mga isda.
Mas peligrosong maging Presidente iyan kaysa kanyang bruskong tatay. Binatikos pa niya si Bongbong sa pagsasabing walang kakayahang maging Presidente. Ang basehan lang niya marahil ay ang hindi pagkunsinti ng administrasyon sa mga nagdaang pagkakamali ng rehimeng Duterte gaya ng extra judicial killings.
Hindi kaya alam ni Sara ang batas na ang balak niyang gawin ay desecration of the dead na isang krimeng may takdang parusa? Sasabihin niya siguro, figure of speech lang yon, pero mali pa rin. Isang hulmahan lang ang pinagmulan nilang mag-ama.