Bakit humihilik?

NANGYAYARI ang paghilik kapag ang hangin na inihihinga habang natutulog ay nahaharang sa lalamunan. Ito ang dahilan para ang lalamunan ay gumawa nang malakas na tunog.

Narito ang ilan pang dahilan ng paghilik:

1. Mouth anatomy – Habang natutulog, ang mga muscles sa bibig (palate), dila at lalamunan ay naka-relax, at maaaring bahagyang makaabala sa daanan ng hininga. Ang pagkakaroon ng mababa at makapal na palate o lumaking tonsils o laman sa likod ng lalamunan ay maaaring makapagpakitid sa daanan ng hangin. Ang sobra sa timbang ay nakadaragdag para maging makitid ang daanan ng hangin.

2. Problema sa ilong – Ang malalang pagbabara ng ilong o ang baluktot na pagkakahati sa butas sa ilong (deviated nasal septum) ay maaaring dahilan ng paghilik.

3. Sleep apnea – Ang paghilik ay maaaring nauugnay sa obstructive sleep apnea. Inilalarawan ito sa pamamagitan ng malakas na hilik na sinusundan ng katahimikan na maaaring tumagal ng 10 segundo o higit pa. Sa ganitong seryosong kondisyon ang daanan ng hininga ay napipigil o lumiliit na ang hangin na nalalanghap ay hindi na sapat para sa kailangan. Kumunsulta sa pulmonologist.

4. Pag-inom ng alak—Ang pahilik ay maaaring dala ng sobrang pag-inom ng alak bago matulog. Ang alak ay nagpapa-relax ng muscle ng lalamunan at binabawasan ang likas na panlaban sa pagharang ng mga daanan ng hangin.

5. Kumunsulta sa doktor kung ang paghilik ay nagdudulot ng hirap na paghinga sa gabi, pananakit ng ulo sa umaga, sobrang antok sa umaga, pamamaga ng lalamunan, high blood, at iregular na pagtibok ng puso.

Show comments