SI Royina Garma ay dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) noong panahon ni Presidente Digong Duterte. Batid na ng madla ang “bombang” pinasabog niya na nagdidiin kay Duterte sa madugong war on drug at extra judicial killings, partikular na sa Davao City nang ang dating Presidente ay mayor pa roon.
Kauupong Presidente pa lang daw ni Duterte ay si Garma agad ang tinawagan upang humanap ng mga individual at organisasyon na makakatuwang sa kontrobersiyal na operasyon.
Matindi ang patotoo ni Garma sa imbestigasyon ng quad committee ng House of Representatives. Mahirap itong pabulaanan ni Duterte at ng iba pang personaheng kasabwat niya. Maraming oras ang ginugol ng quad committee sa interpelasyon na humantong pa sa pag-contempt kay Garma bago nito pinasabog ang bombshell.
Kaya noong Biyernes, Oktubre 11, ginawa ni Garma ang pinakamatinding hataw sa dati niyang pinapanginoon—si Rodrigo Duterte. Si Duterte raw ang utak ng madugong drug war na nagbibigay ng milyong pisong pabuya sa mga pulis para patayin ang mga drug personalities. Luhaan pa si Garma habang binabasa ang kanyang sinumpaang pahayag.
Ani Garma, kung ano ang ginawa sa Davao City, ‘yun ang modelo sa drug war na ipinatupad sa Pilipinas nang maging Presidente si Duterte na tinatayang 30,000 katao ang napatay.
Karamihan sa sinabi ni Garma ay nag-viral na sa social media at alam na ng marami. Ang kaso, masaklap na nating karanasan sa nakalipas na panahon na ang isang testigo lalo na kung may bahid pulitika ay kung minsan ay urong-sulong. Kahit pa may sworn statement ay nagagawang bawiin sa huling oras.
Maaari kasing sabihin ng isang witness na tinakot lang siya upang pumirma sa ano mang affidavit. Only in the Philippines yata iyan! Ngunit kung walang mababago sa sinabi ni Garma, tuluyan nang malulubog sa kumunoy si Duterte.
Mabigat din ang testimonya ni Garma kung matutuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court kay Duterte kaugnay ng kanyang madugong war on drugs.