EDITORYAL — ‘Tip of the iceberg’
NANG isiwalat ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma noong Biyernes (Oktubre 11) na may nangyayaring “reward system” sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect sa utos ni dating President Rodrigo Duterte, nagkaroon ng konklusyon na ang kautusan ang dahilan kaya lomobo ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs). Tinatayang 6,000 ang napatay sa drug operations ng mga pulis nang simulan noong 2016 sa ilalim ng “Oplan Tokhang” na ipinatupad nang noon ay PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” dela Rosa. Sinabi naman ni Dela Rosa na wala siyang alam na may nangyayaring “reward system” sa PNP.
Umiiyak si Garma habang binabasa ang ginawang salaysay na nagtuturo kay Duterte na nasa likod ng mga plano at reward system. Ang dating Presidente rin umano ang nagpahanap ng taong magsasagawa ng plano na ang model ay tulad nang ipinatupad sa Davao City.
Marami pang personalidad na sinabi si Garma kaugnay sa war on drugs. At nang tanungin ito ng mambabatas kung ano ang nag-udyok at nagsasalita na sa madugong war on drugs ng Duterte administration, sinabi na nais niyang manaig na ang katotohanan. Panahon na raw aniya para magkaroon ng katahimikan at para na rin sa mga anak.
Sabi ng isang mambabatas, ang mga siniwalat ni Garma ay maituturing na “tip of the iceberg” lamang. Katiting lamang umano ang mga sinabi nito sa House quad committee. Sabi ni Zambales Representative Jefferson Khonghun, nanggaling mismo ang pagsisiwalat sa dating malapit kay Duterte at maaaring mayroon pang mga ilalahad kaugnay sa laban kontra droga at iba pa.
Tama ang mambabatas na tip of the iceberg lamang ang mga sinabi ni Garma. Marami pang mga malalaking pangyayari na maaring ikagimbal nang marami. Sabi ng isang kongresista na kabilang sa quad committee, dapat sabihin na lahat ni Garma ang nalalaman.
May katwiran ang mambabatas. Ilahad na ang lahat. Nasimulan na niyang tibagin ang pader kaya dapat nang ipagpatuloy ang pagbuwag para malantad ang buong katotohanan sa madugong giyera laban sa droga at iba pang kasamaan.
Marami ang naghihintay sa mga isisiwalat ni Garma at dapat na niyang gawin kung talagang nais niya ng katahimikan.
- Latest