KULELAT ang mga batang Pilipino sa lahat ng international tests. Dahil ‘yan sa patay-gutom na mga magulang—nagbebenta ng boto kapag halalan.
Ano ang kinalaman ng edukasyon sa asal patay-gutom?
Repasuhin muna ang sitwasyon. Nu’ng 2018, ika-78 ang mga Pilipino sa 78 na bansang kumuha ng Program for International Student Assessment (PISA). Pinakamababa sa Math, Science, at Reading Comprehension. Banban mag-add, subtract, multiply, divide. Bano sa simpleng kaalaman sa personal hygiene, hayop, halaman, hangin, lupa, tubig.
Pinabasa ng maikling talata (paragraph) at pinasulat ng isang pangungusap (sentence) tungkol du’n Walang maisagot ang Pilipino.
Kulang sa nutrisyon ang mga bata. Mula sinapupunan, pagsilang, paglaki. Pumapasok sa school nang gutom, may sakit, kinukuto. Walang libro at laboratoryo; 48 percent ng elementary schools ay walang tubig, at 61 percent ay walang kuryente. Kapos sa sahod kaya baon sa utang ang titser; kulang sa training ang principal.
Dumating ang halalan. Binoto ng magulang para Presidente, VP, senador, kongresista ang nanuhol ng P1,000-P10,000. Ipambibili ng ulam, pulutan at alak na pang-isa hanggang limang araw lang. Ipinagpalit ang kinabukasan ng anak. Hindi ba patay-gutom ‘yan?
Aasikasuhin ba ang edukasyon ng mga bata ng isang kandidato na namili ng boto? Siyempre hindi. Aatupagin niyan mabawi ang ginasta sa pandaraya. Sobra-sobra pa.
Magbubulsa ‘yan ng bilyun-bilyong pisong confidential- intelligence funds, kickbacks, at pork barrels. Lulustayin ang pera ng bayan sa pagpapatanyag sa sarili. Pagkukuripotan ang edukasyon. Paglaki ng bobong bata, asal patay-gutom na rin.