Tinatayang 6,229 ang mga namatay sa war on drugs subalit sabi ng human rights groups, maaaring lampas pa ng 12,000. Mas marami ang namatay sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte nang ilunsad niya noong 2016 ang giyera laban sa droga. Ang masakit, marami ang napagkamalan lang dinampot ng mga pulis at pinatay. Mas masakit pa, may mga nadamay sa police operations at hindi na nakakuha ng hustisya. Balewala lang kung tinamaan ng ligaw na bala habang namamaril ang mga pulis nang ipatupad ang “Oplan Tokhang’’. Kasama raw iyon sa pagpapatupad ng batas—ang may matamaan sa gitna ng operasyon ng mga pulis. Hindi raw dapat sisihin ang mga pulis kung magkaroon ng casualties sa mga sibilyan.
Katulad nang nangyari sa isang 9-anyos na batang lalaki sa Camarin, Caloocan City na tinamaan ng ligaw na bala habang may operations ang mga pulis noong Disyembre 2, 2016. Sinabi ng ama ng bata na nasa harap ng isang computer shop ang kanyang anak na si Lenin at nagtitiklop ng mga kurtina nang umalingawngaw ang mga putok.
Pinuntahan umano niya si Lenin at nakita niyang nagtago ito sa computer shop kasama ng iba pa. Hindi umano siya nag-alala sa kalagayan ng anak dahil ligtas naman ito sa computer shop. Nagbalik siya sa bahay. Makaraan umano ang ilang minuto, sinundo siya ng isang lalaki at sinabing tinamaan ng bala si Lenin. Dinala umano nila si Lenin sa ospital pero dead on arrival ito. Bukod kay Lenin, dalawa pang babae ang namatay makaraang tamaan ng bala. Humihingi ng hustisya ang ama sa pagkamatay ng anak. Inosente umano ang kanyang anak.
Marami pang namatayan dahil sa pagpapatupad ng war on drugs ng Duterte administration at humihingi sila ng hustisya. Nadamay lamang ang kanilang anak sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa isinagawang drug operations. Naging masigasig ang mga pulis sa paghahanap ng mga sangkot sa illegal na droga. Wala nang tanung-tanong pa at ang makitang kakalat-kalat sa lugar ng drug operation ay dinadampot at binabaril. Ganyan ang nangyari kay Kian delos Santos, 17, vendor ng Caloocan City. Napagkamalan siyang tulak ng droga. Dinampot ng tatlong pulis, pinaluhod at pinatay noong Agosto 2017.
Naging marahas ang mga pulis. Hindi naman nakapagtataka dahil may reward system na pinatutupad. Mas maraming mapapatay na drug suspect, malaki ang pabuya. Isiniwalat ito ni dating police colonel at PCSO manager Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee. Itinuro niya si Duterte na nasa likod ng mga pagpatay.
Ipagkaloob ang hustisya sa mga biktima ng EJKs. Pagbayarin ang mga nasa likod nito.