Pana-panahon lang iyan
Nanggagalaiti si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nang ipagdiinan ni Kerwin Espinosa na siya ang nag-utos na idawit ang pangalan ng noo’y Senador Leila de Lima sa ilegal na droga. Ito ay nung panahon ni Presidente Duterte nang si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police. Kilalang kalabang mortal ni Duterte si De Lima. Matagal na nagdusa si De Lima sa piitan hanggang tuluyang mapawalang sala ito sa kakulangan ng ebidensya.
Nasa mataas na kapangyarihan si Duterte noon kaya walang nagawa si De Lima para patunayan na siya’y ginigipit lamang. Human rights lawyer si De Lima na mahigpit na kumastigo kay Duterte sa mga nangyayaring paglabag sa karapatang pantao sa Davao City nang mayor pa ang dating Presidente. Kaya nang maging Presidente si Duterte, inihaplit niya ang latigo ng kanyang paghihiganti.
Hindi naisip ni Duterte na anim na taon lang ang termino niya bilang Presidente. Nang wala na siya sa poder, inakala marahil niya na sinusuportahan siya ng kaalyado niya noon na si Presidente Bongbong Marcos. Hindi pala.
Isa-isang nalusutan ni De Lima ang lahat ng drug related cases laban sa kanya hanggang sa siya ay napalaya sa ilalim ng rehimen ni Bongbong kahit mahigpit ding kaaway ng mga Marcos ang Liberal Party na kinabibilangan ni De Lima.
Ang masasabi ko, weder-weder lang iyan. Noong panahon ni Duterte, lahat ay puwede niyang gawin. Kaso, wala na siya sa puwesto at namiminto pa siyang arestuhin ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kanyang madugong war on drugs nang siya ay Presidente pa.
Ang pagsisiwalat niya na si Dela Rosa ang nag-utos sa kanya na tumestigo laban kay De Lima ay nagtuturo na si Duterte ang main man sa pagkakakulong ni De Lima. Alam na ng lahat iyan pero lalo itong kinumpirma ng pahayag ni Espinosa.
- Latest