Sa edad na 25 anyos, isa na ngayong research assistant at astrophysicist ng Khalifa University sa bansang Arabong United Arab Emirates ang Filipino scientist na si Lance J.W. Kosca na anak ng isang overseas Filipino worker.
Kasalukuyang kasama si Lance sa malalaking proyekto ng Khalifa University na may kaugnayan sa kalawakan o astronomiya.
Sa isang artikulo kamakailan sa The Global Filipino Magazine, sinabi ni Lance na puwede lang niyang maibahagi hinggil sa kanyang tungkulin sa naturang Pamantasan, ang kasalukuyang tinatrabaho nilang isang breathing machine para sa planetang Mars na makakagamit sa atmospera ng Mars para makahinga rito. Maaaring magamit ang ganitong teknolohiya sa daigdig kabilang ang decarbonizing sa atmosphere.
Nakakasiyang malaman ang naging tagumpay ni Lance sa kanyang karera sa kabila ng kanyang kabataang edad bagaman nakakalungkot din na sa ibang bansa pa, sa halip na ang Pilipinas ang pumansin, nagpahalaga at nakinabang sa kanyang kakayahan.
Nabatid na nagtapos si Lance ng mga kursong Applied Physics at Materials Engineering sa Ateneo de Manila University noong 2022. Naging hamon sa kanya ang tinahak niyang landas pagkagradweyt sa kolehiyo. Ang transisyon niya mula sa pagiging bagong graduate tungo sa pagiging isang astrophysicist.
Sa kabila ng kanyang magandang academic credential, nahirapan siya sa paghahanap ng trabaho. 300 kumpanya sa Pilipinas ang inaplayan niya noon pero lahat ay tinanggihan ang kanyang aplikasyon.
Karamihan ay walang paliwanag kung bakit tinanggihan ang kanyang aplikasyon. Pero naging malawak ang pang-unawa niya rito. “Naiintindihan ko naman po iyong mga ganoon. May isa naman pong nagpaliwanag dati na, kapag overqualified din po hindi po nila hina-hire at kailangan daw po nila ng willing magtagal ng ilang taon sa iisang trabaho po,” sabi ni Lance sa hiwalay na panayam sa pamamagitan ng Facebook messenger.
“Medyo pahirapan din naman po talaga iyong paghanap ng trabaho sa Pilipinas, ako sa kabuuan ay inabot ng 11 buwan. ‘Yung mga kaklase ko po na dalawa rin ang degree, humigit sa isang taon din po ang inabot bago magkatrabaho,” dagdag ni Lance pero sa kanyang palagay, bunga ito ng buhay pagkatapos ng pandemya ng Covid-19.
“Layunin kong magpursige ng karera sa renewable energy sa Pilipinas, sa paniniwalang ito ang magiging buhay ko,” nabanggit ni Lance sa Global Times. Pero, pagkatapos mabasura ang daan-daan niyang job application sa Pilipinas, naisipan niyang dapat palawakin niya ang kanyang pananaw na kinalaunan ay natagpuan na lang niya ang kanyang sarili na bumalik sa UAE. Nagbago ang lahat nang makatanggap siya ng isang email mula sa isang professor ng Khalifa University, at pagkatapos ng matagumpay na interbyu, natanggap siya sa posisyon bilang astrophysicist.
Gayunman, hindi na bago kay Lance ang buhay sa UAE dahil dito siya lumaki. “Naging batang UAE ako makaraang sundan ko roon ang tatay ko noong walong taong gulang pa ako,” pagbabahagi niya. Humubog sa kakaiba niyang pananaw sa mundo ang paglaki niya sa UAE at ang patuloy na kuneksyon niya sa pinagmulan niyang lahing Pilipino.
“Hindi hinayaan ng mga magulang ko na makalimutan ko ang pagkatao ko bilang Pilipino. Sa bahay, nagsasalita kami ng tagalog. Kapag merong pagkakataon, nagbabakasyon kami sa Pilipinas,” paglalahad pa niya. Sa ganitong karanasan, patuloy ang kuneksyon niya sa lahing pinagmulan niya habang nakikipamuhay siya sa isang dayuhang kultura. Marami siyang kaibigang Pilipino sa UAE at sa maliit na komunidad ng mga Pinoy sa Khalifa University.
Para sa kanya, pinakamalaki at hindi niya higit na inaasahang karanasan ang ipagkatiwala sa kanya ang posisyon bilang CEO ng isang upcoming startup. Nakakapagpapakumbaba at nakakapanabik na maagang responsibilidad ito para sa isang batang astrophysicist. Sa una ay natakot siyang makatrabaho ang mga Ph.D. holder at mga UAE nationals sa mga space project.
“Pero dahil may kumpiyansa sa akin ang mga mentor ko, nadadagdagan ang kumpiyansa ko sa aking mga abilidad,” dagdag ni Lance. Matindi ang presyur sa pagtatrabaho sa pangunahing pamantasan ng UAE kasama ng mga tao na nagtrabaho sa NASA (National Aeronautic and Space Administration) o iyong ipinangalan sa kanilaang mga asteroid. Mabilis naman siyang nakaangkop at ipinagmamalaki niya ang kanyang papel na kumakatawan sa Pilipinas sa loob ng isang talented at diverse team. Utang niya ito sa magagaling na mga Pinoy na nakilala niya para magpakahusay sila sa UAE at sa global academia.
Idiniin din niya, “Ang importante lang po siguro tiyaga at tiwala at tsaka huwag kalimutang pahalagahan ang sarili at susunod na po roon ang magandang career.”
May plano rin naman si Lance na bumalik sa Pilipinas. “Ang Plano ko po ngayon e gagamitin ko ‘yung biyaya sa aking magandang sweldo bilang OFW at magtatayo po ako ng kumpanya dito sa Pilipinas. May limang tauhan na po ako ngayon at papasok po kami sa renewable energy para magbigay ng ilaw at kuryente sa mga probinsya, simula po sa Marinduque,” sabi pa ni Lance.
Ano ang natutuhan ni Lance sa 300 rejection sa kanyang job application noon sa Pilipinas?
“Iyong pinakanatutunan ko po after 300 na rejection ay magpakumbaba po at maging patient, pero huwag din po pumayag sa mas mababang sahod kung alam po natin na mas mahalaga ang ating maibibigay sa kumpanya at sa bansa,” sagot ni Lance. Nakikita niya ang kanyang karera na patuloy na uunlad sa larangan ng astrophysics at renewable energy.
Payo niya sa mga kabataang aspiranteng scientists at engineers, “laging may kabiguan sa buhay. Paghandaang matanggihan sa ina-aplayang trabaho.” Pagtitiyaga ang itinuro sa kanya ng sarili niyang karanasan sa kabiguan at pakikiangkop. Ang pagtanggap at matuto sa kabiguan ang naging susi sa kanyang tagumpay at isang aral na inaasahan niyang isasapuso ng iba.
Wika pa ni Lance sa Ingles, “Ang kadiliman ng kalawakan ang higit na nagpapaningning sa mga bituin nito.”
**********
Email- rmb2012x@gmail.com.