Pastor Quiboloy namumuro sa U.S.
Sa takbo ng mga pangyayari sa kasong human trafficking ni Pastor Apollo Quiboloy sa United States, tila madidiin siya nang husto sa asunto. Umamin ang isang co-accused niya sa U.S. na nagngangalang Marisa Dueñas, na pinipeke ng Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ni Quiboloy ang kasal ng mga nagnanais maging U.S. citizen. Marriage for convenience ang tawag diyan.
Magpapakasal ang isang Pinoy sa isang U.S. citizen at pagkatapos ay ididiborsiyo kapag plantsado na ang citizenship. Sa pagkaalam ko, lehitimong kasal iyan pero ang layunin lang ay makakuha ng pagkamamamayan ng U.S. ang isang Pinoy kapalit ng halaga.
Balita ko, istrikto ang U.S. at bistado na nila ang ganyang diskarte. Kaya ang mga Pinoy na ikinasal sa isang citizen ay required na magsama sa isang bahay at oobserbahan nang matagal upang tiyaking hindi lang marriage for convenience.
Naghain ng guilty plea ang human resources head ng KOJC na si Dueñas kapalit ng mas mababang sentensiya sa isang plea bargaining agreement. Tinawag niyang kasal-kasalan ang ginagawa ng KOJC sa mga gustong bumilis ang pagka-U.S. citizen. Ang kaso ni Dueñas ay pakikipagsabwatan upang linlangin ang U.S. government.
Ibig sabihin, ginamit lang siyang instrumento at komo si Quiboloy ang pinuno ng KOJC posibleng siya ang papasan ng pinakamabigat na parusa. Ngayon, balak pang tumakbo ni Quiboloy sa pagka-senador. Sabagay, wala pa siyang conviction at sa ating batas, walang hadlang upang madiskuwalipika siya sa pagkandidato. Palagay ko may dapat baguhin sa election code.
- Latest