Angkan-angkan ng pamilya ang lalahok sa 2025 election—mag-asawa, mag-ama, mag-ina, magkapatid, magpinsan ang mga tumatakbo. Maaring hindi ito napapansin sa Metro Manila subalit sa probinsiya, napakarami! Gusto yata ay buong pamilya nila ang mamayani.
Hindi pa kasi ipinapasa ang panukalang Anti-Dynasty Law. Maraming mambabatas ang hindi ito maipapasa dahil maaapektuhan sila. Kaya nakatengga at sa tingin ko, wala nang pag-asa na maipasa pa ito.
Dapat dagdagan ni Comelec Chairman Garcia ang pagsala o pagrepaso sa COCs ng mga kandidato. Kailangang masala nang todo bago maimprenta sa balota. Kung hindi ito magagawa, tiyak na magdudulot ito ng kaguluhan. Ang unang aalma rito ay mga supporters ng mga kandidato at lalahukan ng kanilang angkan.
Dahil legal pa ngayon ang pagtakbo ng buong angkan ng mga pulitiko, ang mga botante ang dapat mag-isip-isip sa isusulat sa balota nang hindi magsisi sa huli. Kasi kung ang pulitiko ang tatanungin, sasabihin nila “Botante ang nagluklok sa amin sa puwesto” kaya’t paglilingkuran namin sila nang abot sa aming kakayahan.”
Kung sabagay tama naman sila. Paglilingkod sa bayan ang nasa isipan nila at hindi tama na mangungurakot lamang sila sa pondo ng bayan. Sa dinami-dami ng mga pulitiko na sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan, matagal mahusgahan ang mga ito. At ang masaklap pa, sa katagalan ng kaso, na-aabsuwelto pa ang ilan sa mga ito.
Nawala na ang mga testigo at nawawala na ang mga ebidensiya. Gaya nang nangyaring Maguindanao massacre kung saan 34 na media personalities at mga kaanak ng pulitiko ang napatay. Naharang ang mga ito nang mag-file ng pagkakandidatura ang isang angkan ng pulitiko.
At ngayong lantaran na ang pami-pamilya na nag-file ng COC, dapat lamang maging preparado na ang Comelec sa idudulot na kaguluhan ng angkan ng mga pulitiko.
Abangan!