Kung may titulo na ang lupa sa pangalan ng isang tao, maaari pa kaya itong maagaw ng iba na sinasabing mas may karapatan doon sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso na tinatawag na “accion publiciana” pagkalipas ng isang taon? Ito ang ipinaliliwanag sa kaso ng mga naulila nina Eusebio at Domingo Castro.
Ang kaso ay tungkol sa pagbawi ng posesyon at danyos na sinampa ni Domingo Castro laban sa mga naulila nina Eusebio na sina Marcia, Josue, Randy at Pete sa RTC sa probinsiya kung saan naroon ang lupang pinag-aagawan. Ang lupa ay sakop ng titulo (OCT No. P-6710) na nakarehistro sa pangalan ni Domingo at may sukat na 35,000 metro kuwadrado. Ang tax declaration ay nasa pangalan niya at may assessed value na P57,000 at market value na P15,000.
Ayon kay Domingo, walang paalam na pinasok ng grupo ni Marcia ang lupa may 12 taon na ang nakararaan at nagtanim ng mga puno at inangkin ang lupa. Inutos daw niya na umalis ang grupo pero kahit anong pakiusap niya ay hindi siya pinakinggan kaya napilitan na siyang magsampa ng reklamo.
Ayon naman sa grupo ni Marcia, base lang sa isang free patent na inilabas ng DENR ang titulo ni Domingo. Hiniling nila na ipawalambisa ang dokumento. Nakabinbin pa raw sa DENR ang kaso at ito ay dapat ituring na “prejudicial question” o isang tanong na dapat munang iresolba. Isa pa, sa loob daw ng 41 taon ay hawak nila ang posesyon ng lupa mula pa nang ideklara ng DENR na puwede itong makuha ng mga tao. Katunayan nga, nauna pa nilang hinawakan ang lupa kaysa sa aplikasyon ni Domingo sa DENR.
Matapos ang pagdinig, naglabas ng desisyon ang RTC. Binasura nito ang reklamo ni Domingo dahil sa kawalan ng basehan. Napansin nito na hindi man lang nga hawak ni Domingo ang posesyon ng lupa at mukhang may kaduda-duda sa paglabas ng titulo niya. Ayon pa sa RTC, kahit hawak ni Domingo ang titulo ng lupa ay hindi naman awtomatiko na kanya na ang posesyon ng lupa dahil nga gumamit siya ng pandaraya para makuha ito. Hindi rin daw ito nagsumite ng ebidensiya tungkol sa posesyon niya nang pasukin nina Marcia ang ari-arian.
Pero binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC at dineklara na si Domingo ang may karapatan sa posesyon sa lupa sa bisa ng kanyang titulo (OCT No. P-6710). Ayon pa sa CA, ang isang taong may hawak ng titulo ng lupa ay may karapatan sa lahat ng kapangyarihan na kalakip ng pagmamay-ari niya tulad ng posesyon nito. Ang isang titulo ay pinapalagay na legal at tama kaya ang bisa nito ay hindi puwedeng atakihin ng basta. Tama ba ang CA?
Ayon sa SC, mali ang CA sa deklarasyon nito. Ang mga naulila raw ni Eusebio ang mas may karapatan sa lupa dahil sa tinatawag na “acquisitive prescription”. Ibig sabihin, matagal na nilang nakuha ang karapatan dahil sa tagal ng panahon na hawak nila ang lupa. Sila ang tunay na may-ari nito dahil lantaran, hayagan, tuluy-tuloy at esklusibo nilang hawak ang lupa na kanilang tinataniman at ginawang tirahan sa loob ng 30 taon.
Ang kanilang karapatan ay inagaw lang ng mapanlinlang na pagsakop ng free patent ni Domingo na naging resulta ng free patent application nito at ng paglalabas ng OCT P-6710. Sa katunayan nga, nagsampa ng petisyon ang mga anak ni Eusebio para ipawalambisa ang free patent habang nakabinbin naman ang kaso ni Domingo sa pagbawi ng posesyon ng lupa.
Nagkaroon na rin ng resolusyon (G.R. 231304) ang SC kung saan niresolba nito at kinansela ang free patent ni Domingo pati ibinigay sa kanila. Ang naunang desisyon na ito ay nananaig sa kaso ngayon at dapat igalang alinsunod sa doktrina ng res judicata (Heirs of Elliot etc. vs. Corcuera, G.R. 233767, August 27, 2020).