EDITORYAL - Bangis ng DILG sa naglipanang POGOs
Tiniyak ng bagong upong DILG secretary Jonvic Remulla na wawalisin niya lahat ang Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Uunahin daw niya ang POGOs sa kanyang probinsiya lalo ang nasa Kawit, Cavite. Tinaningan niya ang POGO Island sa Cavite ng hanggang Disyembre 15. Sinabihan na umano niya ang may-ari ng Island Cove POGO na isa-shutdown na ang POGO hubs doon. Ang Island Cove ay dating pagmamay-ari ng kanilang pamilya pero ipinagbili na nila ito noong 2018. Ang pagpapasara sa POGO hubs sa island Cove ang una niyang direktiba makaraang italaga ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 8 bilang bagong secretary ng DILG. Pinalitan niya si dating DILG secretary Benhur Abalos na tatakbong senador sa 2025 elections.
Kung maisasakatuparan ni Remulla ang maagang pagwasak sa POGOs, mas mabangis siya kumpara kay Abalos. Sa panahon ni Abalos, maraming illegal na POGOs na hindi nakatikim ng “kamay na bakal” at lalong dumami na parang kabute. Nagkaroon lamang nang malawakang operasyon laban sa POGOs nang madiskubre ang kaugnayan ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ukol dito. Inaakusahan si Guo na may-ari ng compound na kinaroroonan ng POGO hubs. Nakakulong na si Guo at iniimbestigahan ng Senado at House quad committee.
Pagkatapos salakayin ang POGOs sa Bamban, sunod na sinalakay ang POGOs sa Porac, Pampanga na mas malaki at hindi lamang online gaming ang inio-offer kundi pati na rin panandaliang aliw. Sangkot din ang POGO sa human trafficking at crypto currency scam. May torture chamber din ang sinalakay na POGO hubs. May mga Chinese na pinarusahan. May nakita ring uniporme ng Peoples Liberation Army sa POGO hubs. Sinuspende na ang mayor at iba pang opisyal ng Porac dahil sa illegal na operasyon ng POGO.
Sabi ni Remulla, makaraang manumpa sa tungkulin, tinanggap niya ang hamon na pamunuan ang DILG para makatulong hindi lamang sa kanyang probinsiya kundi sa buong bansa. Naglingkod siya sa Cavite sa loob ng 29 na taon. Ngayon ay buong bansa naman ang kanyang paglilingkuran.
Unahin ni Remulla na mawalis lahat ang POGOs. Kailangang mawala muna ang salot na nagpapahirap sa bansa. Kung maisasakatuparan niya ang lubusang pagwalis sa POGOs bago matapos ang 2024, malaki ang posibilidad na magkakaroon na ng kapanatagan. Maipopokus na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan. Sa buong panahon ng pananatili ng POGOs sa bansa, sila ang inaatupag ng PNP dahil sa mga nangyayaring malalagim na krimen. Isakatuparan ni Remulla na uunahin ang pagwasak sa POGOs.
- Latest