“Kriminal na kapabayaan!” ‘Yan ang ibinansag ni Rep. Elizaldy Co sa pamamahagi ng DepEd ng panis na tinapay at gatas sa mag-aaral.
Kasi nga naman malala ang epekto nito sa kalusugan ng kabataan ku’ng kinain man nila o hindi ang mga ‘yon.
Kung kinain nila edi tiyak nasira ang tiyan nila sa bulok na tinapay at gatas.
At kung hindi nila ito kinain, tiyak nagutom naman sila.
Kaya tama lang na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang pangyayari. Walang kalaban-laban ang mga bata, at galit ang kanilang mga magulang.
Naganap ito sa 10 rehiyon.
Oo nga’t nu’ng 2023 pa ito naganap. Pero hindi pa nalalantad ang suppliers ng panis na pagkain at opisyales ng DepEd na tumanggap nito.
Malamang hanggang ngayon kumokontrata pa rin ang mga salbaheng suppliers, at kumukomisyon ang mga tiwaling opisyales. Kinakawawa pa rin ang mag-aaral.
Nabisto lang ito nu’ng Setyembre 2024 dahil sa COA notice of disallowance. Pinasosoli ng COA ang P12.3 bilyong ginasta ng DepEd sa kung anu-anong kabalbalan. Ito’y nu’ng si VP Sara Duterte pa ang DepEd secretary.
Sa budget hearings sa Senado nu’ng Agosto, tumanggi si Duterte na sagutin ang tanong ni Senator Risa Hontiveros. Tungkol ito sa P10-milyong librong ipamimigay ni Duterte sa mag-aaral.
Labing-anim na pahina lang ang libro at tinatayang P12 lang ang pag-imprenta bawat kopya. Pero P50 ang nais ni Duterte para sa 200,000 kopya, kaya kabuuang P10 milyon.
Hindi rin siya sumagot sa usisa ni Rep. France Castro tungkol sa P73 milyong ipinasosoli ng COA na confidential gastos ng OVP.
Wala na bang panis sa ilalim ng bagong DepEd Sec. Juan Angara?