MAYROONG dalawang “p” na kailangang taglayin ng kandidato para manalo sa eleksyon: pera at popularidad. Para sa mga mararahas na pulitiko, mula noong araw hanggang ngayon, ang pinaaandar ay ang tatlong “g” na dati na nating alam: guns, goons and golds.
Kapansin-pansin na mas maraming showbiz people ang naghain ng kanilang sertipiko sa pagkandidato, nangunguna na si Nora Aunor na tatakbo sa pagka-party-list representative sa Kamara de Representante at gaya ni Willie Revillame sa pagka-senador at iba pa na hindi ko na pangangalanan sa kakulangan ng espasyo. Popularity ang puhunan nila.
Sasabak din sa senatorial race ang retiradong pulitiko at bilyonaryong negosyanteng si Luis Chavit Singson na ang capital ay salapi at ang kanyang malawak na karanasan sa pulitika. May malakas na ugong ang pangalang Chavit kaya malaki ang tsansang magwagi.
Hindi ko sinasabing walang abilidad ang mga popular na tao ngunit papaano na ang mga magagaling talaga pero hindi ibinoto ng taumbayan dahil walang ugong ang pangalan? Matagal nang problema sa bansa iyan pero isang makapit na kulturang napakahirap bakbakin sa kaisipan ng mga Pilipino.
Sa ngayong sumulpot pa ang social media at maraming bloggers ang sumikat kahit walang karapatang pumalaot sa pulitika, marami sa mga personalidad na ito ang sasabak din porke milyones ang kanilang mga followers at subscribers na pinaniniwalaan nilang boboto sa kanila.
Sana ay maging matalino tayo para makilatis nang tama ang mga taong ihahalal dahil sa kanila natin ipagkakatiwala ang kinabukasan ng bansa.