Walang pulis sa kalye

SINUSUBUKAN ng mga criminal ang kahandaan ng Phi­lippine National Police (PNP) sa panahong ito. Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang barangay officer sa Bulacan noong Biyernes at kinabukasan, mag-asawang online seller sa Pampanga naman ang binaril.

Malaki ang aking pangamba na marami pa ang mala­lagas kapag naging mabagal ang PNP sa pagsalakay ng riding-in-tandem. Bakit hindi matuldukan ang ginagawa ng riding-in-tandem? Nasaan ang mga pulis? Nagpapalaki ng tiyan sa malalamig na opisina?

Mangilan-ngilan lamang ang nakikita kong pulis sa kalye. Takot kayang masunog ang kanilang kutis sa pagbibigay ng proteksiyon sa madlang pipol?

Payo ko kay Marbil, personal na i-supervise ang mga naka-deploy na pulis sa lansangan upang makita niya ang kakulangan. Sinasamantala ng mga riding-in-tandem at hired killer ang panahon ng eleksiyon. At ngayong papa­lapit na ang Christmas season, tiyak aatake pa ang mga kawatan.

Kaya kung nais ni Marbil na matugunan ang pamama­yagpag ng mga riding-in-tandem, pakilusin niya ang Cri­minal Investigation ang Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni Gen. Nicolas Torre. Si Torre ang nagpasuko kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy noong Setyembre 8. Kayang-kaya ni Torre ang mga riding-in-tandem at ganundin ang private armies na ginagamit ng mga pulitiko. Abangan!

Show comments