MARAMING beses nang inaanyayahan sa pagdinig ng Senado at House of Representatives si dating President Rodrigo Duterte pero dedma lang siya at hindi iniintindi ang imbitasyon. Para bang wala siyang narinig. Pero ngayon, nakahanda na umano siyang humarap sa quad committee hearing ng House of Representatives kaugnay sa madugong giyera sa illegal drugs ng kanyang administrasyon.
Dadalo raw siya, bakit daw hindi. “Anong gusto nilang malaman sa akin?’’ sabi ni Duterte. At saka idinagdag na kung iimbitahan siya, sana raw ay “educational questions” ang itatanong sa kanya ng mga mambabatas. Gustong sabihin ng dating Presidente na dapat ay makabuluhan ang itatanong sa kanya.
Kung totoong dadalo sa pagdinig ng quad committee si Duterte, maraming mabubuksan sa kanyang war on drugs campaign na nagsimula noong 2016. Tiyak na maraming itatanong sa kanya lalo pa’t sa kasalukuyan ay isa-isang naglalabasan ang may kaugnayan sa war on drugs at marami ang napatay ng mga pulis sa drug operations.
Kung haharap si Duterte, matatanong siya sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na pinatay sa loob mismo ng kulungan. May mga witness na ngang lumutang at isa siya sa tinuturo ng mga ito. Idinadawit din si dating police official at PCSO Royina Garma na nasa likod ng extra-judicial killings.
Mabubuksan din ang kaso ni dating Iloilo mayor Jed Mabilog na nakasama sa drug watchlist ni Duterte. Nagpasyang umalis ng bansa si Mabilog noong 2017 sa takot na mapatay. Marami umanong umaaligid sa bahay niya. Nagbalik sa bansa si Mabilog noong nakaraang Agosto at sinabing handa siyang tumestigo sa pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte.
Mauungkat din ang kaugnayan ni Duterte kay Garma na ngayon ay nahaharap sa imbestigasyon kaugnay sa pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2021. Si Garma ay itinalaga ni Duterte sa PCSO ilang buwan bago magretiro nang maaga sa PNP.
Ang pagdalo ni Duterte sa pagdinig ay isang magandang pagkakataon para malaman ng taumbayan ang katotohanan sa malagim na kampanya laban sa illegal na droga na inilunsad sa ilalim ng “Oplan Tokhang” na pinamunuan naman ni dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Tinatayang 6,252 ang namatay sa war on drugs ng Duterte administration. Ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan. Mababanggit dito sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Marami pang biktima ng drug campaign ang humihingi ng hustisya.