Pinatakas na nga nila si Alice Guo, mala-celebrity pa ang pagsalubong

BALEWALA kay President Bongbong Marcos na nag-selfie pa ang mga operatibang Pilipino na dumakip kay Alice Guo sa Indonesia. Normal na gawi raw ‘yon ngayon. “Diba selfie capital ang Pilipinas,” tuya pa niya.

Pati sina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil ay nag-selfie kasama si Guo. Tila masamang ehemplo sa tauhan.

Wacky pa ang pose ni Guo. Nakasenyas ng peace ang dala­wang kamay sa ilalim ng baba. Kitang-kita na walang posas.

Nilabag ba ni Marbil at tauhan niya ang PNP Operational Procedures? Detalyado ang Section 6.4, Custodial Investi­gation, Subsection C, Transporting of Persons Under Custody.

Photo ng humulingawtoridad

Dapat suotan ng damit na kumikilalang detainee ang subject, at posasan ito mula sa simula hanggang madala sa pre­sinto para hindi makatakas at ipahamak ang mga pulis.

Niyabang ni Abalos na hindi gumasta ang gobyerno sa Gulfstream executive jet na pinangsundo kay Guo. Pinahiram daw ito sa kanya ng isang kaibigan.

Nilabag ba niya ang 1989 Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees? Saad sa Section 7, Paragraph 3(d) Solicitation or Acceptance of Gifts. Bawal humingi o tumanggap ng pabor o anumang may halaga na makakasama sa tungkulin.

Pinuna ni Senador Risa Hontiveros ang mala-fanmeet na pagsalubong ng opisyales kay Guo. Nagngitngit ang madla.

Hinala tuloy magiging espesyal ang trato sa sakdal sa mga karumal-dumal na kidnapping, torture, human trafficking, illegal detention, prostitusyon, murder, money laundering, droga, pandarambong, at panunuhol.

***

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments