^

PSN Opinyon

Panahon muli

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

OPISYAL na nagsimula ang panahon ng election sa pagbukas ng pagpa-file ng certificate of candidacy sa iba’t ibang posisyon. Mga dati at kilalang pangalan ang papasok sa pulitika. Sa susunod na taon pa ang pangangampanya pero siguradong gagawan na ng paraan ng mga kandidato para makilala ng publiko. Ang iba, hindi na kailangang magpakilala dahil matagal nang pulitiko. Hindi rin nawawala ang mga katawa-tawang nais kumandidato. Bahala na ang Comelec sa kanila.

Mapapansin din ang pagpalit ng partido ng ibang kandi­dato. Dati, kalaban, ngayon kakampi na. Ganyan sa Pilipinas. Walang permanenteng kaibigan o kalaban. Ang permanente lang ay ambisyon, o pagnanais ng kapangyarihan at kaya­manan. Ang bilang ng mga partido sa Pilipinas ay sindami ng mga kandidato. Kaya maraming pagpipilian ang mga kuma­kandidto kung saan sila sasali.

Sa Nobyembre, election na naman sa U.S. Doon, dalawa­ lang ang pangunahing partido, Republican at Democrat. Kaya dalawa lang ang kandidato para sa pagka-presidente. Ma­init ang kampanya, dikit ang dalawang kandidato. Pero iba rin kasi ang sistema ng halalan doon. Hindi rami ng bilang ng bumoto­ sa kandidato ang sukatan para manalo. Ang mahalaga, manalo sila sa bilangan ng iba’t ibang estado. Dapat manalo sa mga lugar tulad ng Pensylvannia, Michigan, Wis­consin, Georgia, North Carolina, Nevada at Arizona dahil sa sistema ng electoral college na medyo mahirap ipaliwanag. Kaya puwedeng manalo sa pangkalahatang bilang ng boto sa buong U.S. pero natalo sa sistema ng electoral college. Iyan ang nangyari kay Hilary Clinton nang matalo siya ni Donald Trump noong 2016.

Kaya ganyan ang sistema ng halalan sa U.S. dahil pede­ralismo ang uri ng gobyerno. Iyan ang nais sana ni dating President Duterte na gawin sa Pilipinas pero hindi siya nag­tagumpay. Hindi pa yata handa ang Pilipinas para sa ganyang sistema dahil hindi pantay-pantay ang ekonomiya ng bawat rehiyon. Baka mahirap ding ipaliwanag sa ordinaryong mamamayan ang sistema ng pederalismo.

Magiging makulay muli ang pulitika sa mga darating na araw at naka-posisyon na naman ang mga kandidato na manalo sa eleksiyon. Ang hindi lang maganda ay baka idaan sa kara­hasan ng ibang kandidato ang kanilang paraan para manalo. Hindi na ‘yan bago sa Pilipinas. Huwag naman sana.

ELECTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with