Komunistang China gagawing base militar ang Escoda Shoal
Gagawing naval at air force base ng Komunistang China ang Escoda Shoal, 70 nautical miles lang mula Palawan.
‘Yan ang dahilan sa pagpalibot doon ng mahigit 40 armadong barko nila. ‘Yan ang dahilan sa pagtambak nila ng dinikdik na corals sa gitna ng bahura. ‘Yan ang dahilan sa pagbunggo nila ng mga barko ng Pilipinas na lumalapit doon.
Panganib sa seguridad ng Pilipinas ang base militar ng Komunista na sobrang lapit sa Palawan. Haharangin nila ang pagpunta ng Pilipino sa Recto Bank. Nanakawin ng Komunista ang langis at gas natin doon. Sosolohin ang pangisdaan.
Nasa loob ng 200-milya exclusive economic zone natin ang Recto. Lampas-lampas sa sariling EEZ ng China.
Ang 70-milya ay 130 kilometro. Maikling biyahe lang ‘yan sa kalye. Parang Manila tungong Tarlac City, o Tarlac tungong Baguio.
Para ring Manila-Caliraya, Manila-Matabungkay, Manila- Tayabas, Manila-Infanta, Santiago-Tuguegarao, Cabanatuan- Baler, San Pedro-Lucena, Naga-Sorsogon, Cebu City-Santander, Catarman-Catbalogan, Cagayan de Oro-Marawi, o Butuan-Surigao City.
Tungkulin ng AFP na ipagtanggol ang Escoda. Pahayag ‘yan ni retiradong Heneral Ediberto Adan. Chairman siya ng Advocates for National Interests. Binubuo ito ng mga dating AFP chief of staff at hepe ng army, navy at air force na nagtrabaho rin sa pribadong sektor.
Dadanak ang dugo sa pagtatanggol ng Escoda. Pero dapat magsakripisyo ang ating mga mandirigma. Sinumpaang tungkulin nila ‘yan. Hinasa at inarmasan sila para sa ganyang misyon.
Dapat suportahan ng mamamayan ang ating mga mandirigma.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest