SA mga eskuwelahan nabubuo ang mga grupo ng fraternity, sorority at iba pang samahan. May mga samahan ding nabubuo sa mga komunidad at sa mga barangay. Pero mas marami ang mga naitatatag sa eskuwelahan at lumawak nang lumawak hanggang sa magkaroon nang maraming miyembro. Karaniwan nang maraming miyembro ang fraternity sa law school, engineering at maski sa mga nag-aaral ng medisina ay mayroon ding fraternities at sororities.
Naging mainit na isyu ang may kinalaman sa fraternity makaraang mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang 10 fratmen ng Aegis Juris fraternity na nakapatay sa UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo noong Setyembre 2017. Grabeng pahirap ang dinanas ni Atio nang isagawa ang hazing. Sa tindi ng mga palo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Atio ay bumigay ang kanyang kidney at inatake sa puso na kanyang ikinamatay. Ang masakit, pinabayaan siya ng kanyang mga ka-“brod” na mamatay at hindi agarang isinugod sa ospital.
Nakahinga nang maluwag ang mga magulang ni Atio nang marinig ang hatol ng hukom—pagkalipas ng pitong taon, naisilbi rin ang hustisya sa kanilang anak.
Sabi ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, nararapat magsagawa ng information campaign ukol sa fraternity hazing ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at Department of Interior and Local Government (DILG). Ayon kay Zubiri, dapat paigtingin ang kamalayan ng publiko tungkol sa ginagawang hazing ng fraternities. Ipaalam sa mga mag-aaral ang kahihinatnan ng isasagawang pananakit sa mga neophyte sa sandaling sumali sa fraternity.
Tama si Zubiri na magkaroon ng information campaign sa fraternity hazing at pangunahan ito ng DepEd, DILG at CHED. Sa ganitong paraan, maimumulat ang mga bata sa maaaring mangyari sa kanila sa sandaling maging frat member. Mahalaga ang kampanyang ito lalo’t may mga school na walang pakialam kung magsulputan man ang iba’t ibang fraternities sa kanilang nasasakupan. Kahit naamyendahan na ang Anti-Hazing Act of 1995 at pinalakas ng Anti-Hazing Act of 2018, wala ring pakialam ang mga eskuwelahan.
Mas dapat manguna ang DepEd sa information campaign at simulan ito sa elementarya pa lamang para maimulat ang tungkol sa hazing na ginagawa ng mga fraternity. Kung nalalaman na ito ng mga bata sa una pa lamang, magkakaroon na siya ng ideya kung dapat pa ba siyang sumali sa fraternity at sorority. Kasabay sa info campaign ay ipakita ang listahan ng mga namatay sa hazing at ang pangalan ng fraternity na responsible sa pagkamatay.