Merong isang tanghalang pangkabuhayan na tinatawag na Balik Kabayan Bazaar sa grounds ng punong tanggapan ng Department of Migrant Workers sa Mandaluyong City sa kalakhang Maynila para suportahan sa pagnenegosyo ang mga overseas Filipino workers na bumabalik sa Pilipinas.
Inilunsad ng DMW noon pang Setyembre 10 ang naturang bazaar sa pakikipagtulungan ng mga pribadong kumpanyang tulad ng BDO Unibank para maayudahan ang mga OFW na matamo ang kalayaang pinansiyal.
Nag-ambag ang BDO ng mga “lemonade stand-style” booth na magagamit ng mga balikbayan sa pagbebenta ng iba’t ibang mga produkto mula pagkain, handicrafts at damit.
Tumatao sa mga booth na ito ang iba’t ibang nagbalikbayang OFW na napipili para sa programa tuwing ikalawang buwan.
Nabatid na 45 negosyante o entrepreneur na OFW ang nag-aplay sa Balik Kabayan Bazaar program na naging 16 na lang nang ilunsad ito.
Bawat napiling OFW ay binigyan ng panimulang puhunan na Php 20,000.
Bilang dagdag na suporta sa programa, nagbigay rin ang BDO ng four-seater gang chairs, IWATA air coolers, at Window Speaker Intercoms sa Balik Manggagawa area ng DMW bilang bahagi ng kasunduan at pangako nang i-“renew” ng BDO ang Memorandum of Agreement nito sa ahensiya. “Sa pamamagitan ng DMW, nabigyan kami ng pagkakataong matulungan ang mga umuuwing OFW. Masaya kaming ma-ging bahagi ng kampanyang ito at saksi sa pagtahak ng ating mga kabayan sa pagnenegosyo,” sabi ni Rene G. Abadilla, BDO Unibank senior assistant vice president at Overseas Filipino Program unit head, sa paglulunsad ng naturang bazaar na may temang “Kabuhayan ni Kabayan para sa Kinabukasan.”
Nabatid na ang bazaar ay bahagi ng reintegration program ng pamahalaan para sa mga bumabalik na OFW sa pamamagitan ng mga intervention services na umaayuda sa mga bumabalik na OFW at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng trabaho o kabuhayan.
Sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga bangko dahil merong kakayahan ang huli sa financial education at inclusivity na nakakatulong sa mga OFW na nagpapasyang umuwi nang tuluyan sa bansa.
“Hangad namin na mas maraming tao ang maglagak ng pera sa mga bangko hindi lang para sa pag-iipon kundi para malikom at mapagsama ang lahat ng kanilang (OFW) mga resources para makalikha ang mga bangko ng mga financial products and services para sa kanila. Makikinabang din dito ang ekonomiya at lubhang makikinabang nang malaki ang ating mga OFW sa karanasan nila sa pangingibang-bansa,” paliwanag ng kalihim na nagdagdag na dapat kasama sa financial literacy ang mga pamilya ng OFW.
Ayon naman kay Wilma R. Abay, puno ng OFW NCR Federations at isa sa mga micro entrepreneurs na pinayagang makalahok sa bazaar, nagpapasalamat siya sa BDO sa pagbibigay ng financial education sa mga OFW at sa seed ca-pital sa pamamagitan ng loan products nito.
“Kabilang sa mahalagang tulong sa amin ng BDO ang financial literacy seminar na kanilang isinasagawa at sa mga loans na ibinibigay nila sa mga microentrepreneur,” sabi pa ni Abay.
“Hinihikayat na-min ang mga balikbayang OFW na mag-impok at magtayo ng sarili nilang negosyo para hindi na nila kailangang bumalik sa ibang bansa.”
Ang OFW NCR Federations ay isang non-governmental organization na tumutulong sa mga OFW na may problema tulad ng mga nawalan ng trabaho o inabuso o minaltrato sa ibang bansa at nabiktima ng illegal recruitters.
“Ginagabayan namin sila at nakikipag-ugnayan kami sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga biktimang ito.
Tumutulong kami sa mga OFW bago pa sila mangibang-bansa at pag-uwi nila rito,”dagdag ni Abay. “Kailangan meron tayong OFW Help Desk sa antas ng barangay.
Hangga’t wala tayong help desk sa barangay, hindi hihinto ang illegal recruitment at human trafficking.
Sa mga probinsiya kasi nagpupuntahan ang mga illegal recruiter para makapambiktima ng mga tao.”
* * * * * * * * * *
Email- rmb2012x@gmail.com