^

PSN Opinyon

Balik Kabayan Bazaar: Kabuhayan  para sa OFW

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Merong isang tanghalang pangkabuhayan na tinatawag na Balik Kabayan Bazaar  sa grounds ng punong tanggapan ng Department of Migrant  Workers sa Mandaluyong City sa kalakhang Maynila para suportahan sa pagnenegosyo ang mga overseas Filipino workers  na bumabalik sa Pilipinas.

Inilunsad ng DMW noon pang Setyembre 10 ang naturang bazaar sa  pakikipagtulungan ng mga pribadong kumpanyang tulad ng BDO Unibank para  maayudahan ang mga OFW na matamo ang kalayaang pinansiyal.

Nag-ambag ang BDO ng mga “lemonade stand-style” booth na magagamit ng mga balikbayan sa pagbebenta ng iba’t ibang mga produkto mula pagkain, handicrafts at damit.

Tumatao sa mga booth na ito ang iba’t ibang nagbalikbayang OFW na napipili para sa programa tuwing  ikalawang buwan.

Nabatid na 45 negosyante o entrepreneur na OFW ang nag-aplay  sa  Balik Kabayan Bazaar  program na  naging  16 na lang nang ilunsad ito.

Bawat napiling OFW  ay  binigyan ng panimulang puhunan na Php 20,000.

Bilang dagdag na suporta sa programa, nagbigay rin ang  BDO  ng four-seater gang chairs, IWATA air coolers, at Window Speaker Intercoms sa Balik Manggagawa area  ng DMW bilang bahagi ng kasunduan at pangako nang i-“renew” ng BDO ang Memorandum of Agreement nito sa ahensiya. “Sa pamamagitan ng DMW, nabigyan kami ng pagkakataong matulungan ang mga umuuwing OFW. Masaya kaming ma-ging bahagi ng kampanyang ito at saksi sa pagtahak ng ating mga kabayan sa  pagnenegosyo,”  sabi  ni  Rene G. Abadilla, BDO Unibank senior assistant vice president at Overseas Filipino Program unit head, sa paglulunsad ng naturang bazaar na may temang “Kabuhayan ni Kabayan para sa Kinabukasan.”

Nabatid na ang bazaar ay bahagi ng reintegration program ng pamahalaan para sa mga bumabalik na OFW sa pamamagitan ng mga intervention services na  umaayuda sa mga  bumabalik  na OFW at kanilang mga  pamilya  sa  pamamagitan ng trabaho o kabuhayan.

Sinabi  naman ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac na nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga bangko dahil  merong kakayahan ang huli sa financial  education  at  inclusivity  na nakakatulong sa  mga OFW  na nagpapasyang  umuwi nang tuluyan sa bansa.

“Hangad namin na mas maraming  tao  ang  maglagak ng pera sa mga bangko  hindi  lang para sa pag-iipon kundi para malikom  at  mapagsama ang lahat ng kanilang (OFW) mga resources para makalikha ang mga bangko ng mga financial  products and services para sa kanila.  Makikinabang din dito ang ekonomiya  at lubhang  makikinabang nang malaki ang ating mga  OFW sa  karanasan  nila sa pangingibang-bansa,”  paliwanag ng kalihim na nagdagdag na dapat kasama sa  financial literacy ang mga pamilya ng OFW.

Ayon naman kay Wilma R. Abay, puno ng OFW NCR Federations at isa sa mga micro entrepreneurs na pinayagang makalahok sa bazaar, nagpapasalamat  siya  sa BDO sa pagbibigay ng financial education sa mga OFW at sa seed ca-pital sa pamamagitan ng loan products nito.

“Kabilang sa mahalagang tulong sa amin ng BDO ang financial literacy seminar na kanilang isinasagawa at sa mga loans  na  ibinibigay nila sa mga microentrepreneur,” sabi pa ni Abay.

“Hinihikayat na-min ang mga balikbayang OFW na mag-impok  at magtayo ng sarili nilang negosyo para hindi na nila kailangang bumalik sa ibang bansa.”

Ang OFW NCR Federations ay isang non-governmental organization na  tumutulong sa mga OFW na may problema tulad ng mga nawalan ng trabaho o inabuso o minaltrato sa ibang bansa at nabiktima ng illegal recruitters.

“Ginagabayan namin sila at nakikipag-ugnayan kami sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga biktimang ito.

Tumutulong kami sa mga OFW  bago pa sila mangibang-bansa at pag-uwi nila rito,”dagdag ni Abay. “Kailangan meron tayong OFW Help Desk sa antas ng barangay.

Hangga’t  wala tayong help desk sa barangay, hindi hihinto  ang  illegal  recruitment  at  human trafficking.

Sa mga probinsiya kasi nagpupuntahan ang mga illegal recruiter para makapambiktima ng mga tao.”

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

WORKERS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with