Ipatupad ng PNP ang gun ban
Generally peaceful ang mga unang araw ng filing ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato para sa May 12, 2025 elections, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil. Nagsimula ang COC filing noong Oktubre 1 at magtatapos sa Oktubre 8.
Pero huwag maging kampante si Marbil sa kinauupuan at baka magulantang na lamang siya sa mga malalagim na mga pangyayari sa buong bansa. Dapat paigtingin pa ang police visibility sapagkat may mga magkakalabang pulitiko na ang hangad ay sila ang mamayani sa darating na election.
Halimbawa na lamang ay nangyaring pagpatay sa isang board member sa Malolos, Bulacan noong Huwebes ng hapon. Napatay si Bulacan board member Ramil Capistrano habang sakay ng SUV, nasugatan ang kanyang driver. Pinagbabaril siya at namatay sa pinangyarihan ng krimen. Tumakas ang gunman at pinaghahanap ng mga awtoridad. Si Capistrano ay nahalal na president ng Provincial League of Barangays of Bulacan at awtomatikong naging member ng provincial board. Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa 2025 elections ang pagpatay.
Dapat gawin ng PNP ay samsamin ang loose firearms. Napakaraming high powered firearm na nakakalat ngayon at palagay ko, mga pulitiko ang nagmamay-ari ng mga ito. Malakas ang paniwala ko, ginagamit ang mga baril ng private armies ng mga pultiko.
Pagsikapan ng PNP na makumpiska ang mga baril upang hindi na dumanak ang dugo. Buwagin din ang private army ng mga pulitiko.
Pagkatapos ng filing ng COC, aarangkada na ang kampanyahan. At sa tuwing may kampanyahan, hindi maiwasan na magkasalubong ang landas ng mga supporters ng magkalabang pulitiko na nagiging mitsa para magsagupa ang dalawang grupo.
Ang matindi ay tuwing sasapit ang campaign period may mga pananambang sa mga pulitiko. May mga inosenteng mamamayan na nadadamay. Sila ang tinatamaan ng ligaw na bala.
Kaya dapat na ipatupad na ang gun ban at mag-setup ang PNP ng mga check point upang mahuli ang mga illegal na nagdadala ng baril na walang permiso mula sa PNP at Commission on Election. Abangan!
- Latest