ANO ang pagkakapareho ng Russia, China, North Korea, at Iran? Una, pare-pareho silang nasa ilalim ng diktador. Si Vladimir Putin sa Russia, Xi Jinping sa China, Kim Jong Un sa North Korea, Ayatollah Seyyed Ali Khamenei sa Iran.
Ikalawa, pakay nilang apat durugin ang America.
Ikatlo, ginugulo nila ang kani-kanilang rehiyon sa mundo. Pinahihina ang ekonomiya ng America at pinagkakalat-kalat ang pwersang militar nito.
Nilupig ni Putin ang Ukraine nu’ng 2022 sa palusot na bahagi ito ng Russia nu’ng sinaunang panahon. Agad sumuporta ang China at Iran. Nagpadala pa ng armas ang North Korea.
Hirap na hirap nang magpondo at mag-armas ang Amerika sa Ukraine para hindi masiil. Hati-hati na rin ang mga kaalyado nito sa NATO.
Inudyukan ng Iran ang Hamas nu’ng Oct. 7, 2023 na mag-massacre ng Israelis sa Gaza. Inudyukan din nu’ng Nov. 23, 2023 ang Houthi ruling party sa Yemen na atakihin ang mga barkong Kanluranin sa Red Sea at Gulf of Aden.
Hinihikayat ang Hezbollah ruling party sa Lebanon na guluhin din ang Israel. Nahahati tuloy ang atensyon ng America ku’ng sino ang mas dapat tulungan: Ukraine o Israel?
Inaangkin ng China ang buong East at South China Seas. Hinahamak ang sobereniya ng Japan, Pilipinas, Brunei, Indonesia, Malaysia, Vietnam at Taiwan. Pati kalakal mula Australia at Europe ay nasasakal. Muli nahahati ang prayoridad ng America.
Pinasisiklab ng Russia at China ang gulo sa Africa. Pinaglalaban ang gobyerno at mamamayan. Pinaaagaw ang mga negosyong Kanluranin. Hilung-hilo na ang America.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).