^

PSN Opinyon

Pumiyok?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MAY natatandaan akong kasabihan na ang unang pumiyok ang siyang may sala. Ginagamit ang kasabihang ito para sa sari-saring bagay. Siguro ito rin ang natatandaan ng mga mambabatas sa kanilang paniniwala na ang pagkabalisa ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa huling pagdinig ng quad committee ng House of Representatives ay senyales na may nabunyag sa kanyang tunay na personalidad.

May ipinakitang dokumentaryo ng Al Jazeera sa pagdinig noong Biyernes tungkol kay She Zhijiang, isang pugante ng China na nakakulong ngayon sa Thailand at nilalabanan nang husto ang pagbalik sa kanya sa China dahil naniniwalang doon siya mamamatay.

Mga kasong human trafficking, extortion, at cyber scams ang kanyang mga krimen, ayon sa China. Sa dokumentaryo, napilitan siyang maging espiya ng China para mawala ang mga kaso laban sa kanya. Sa Pilipinas daw siya nagsimula sa pagiging espiya, at nagpahayag na katrabaho niya si Guo Hua Ping o Alice Guo.

Mahaba ang dokumentaryo kung saan ibinunyag ang ilang detalye tungkol kay Alice Guo. Magkakilala sila, tinulungan niya umano sa pagiging mayor ng Bamban, sa China ipina­nganak, pati pangalan ng ina. At binalaan pa si Alice Guo na hindi puwedeng pagkatiwalaan ang China, at kailangang mag­sabi na siya ng totoo.

Kapansin-pansin ang pagbago ng disposisyon ni Guo nang ipinalabas ang dokumentaryo at nabanggit ang kanyang pangalan, ipinakita ang larawan at iba pang detalye. Ang dating pa-cute na Guo ay nabalisa at naging depensibo. Iri­table pa nga kung suma­got na kumpara noon na tila nagmumukhang kawawa.

Itinangging kilala niya si She Zhijiang at kakasuhan pa daw. Sinita nga siya ng ilang mambabatas na maging “cool” lang at nagbago na nga ang disposisyon.

Pero tandaan na hindi sa Pilipinas nagmula ang dokumentaryo. Hindi siya ang pakay ang dokumentaryo, pero nabanggit ang kanyang pangalan at iba pang detalye. Kahit kailan ay hindi naman lumabas ang pangalan ni She Zhijiang sa imbestigasyon sa kanya maliban na lang noong Biyernes.

At tandaan na hindi siya tumakbo sa China noong tumakas ng bansa. Bakit kaya? Sa tingin ko kung sa China siya tumakbo ay hindi na siya mahuhuli ng Pilipinas. Pero hindi nga siya roon nais magtungo kundi sa Golden Triangle pa raw, ayon sa ilang ulat.

 Masyado nang maraming ebidensiya laban kay Alice Guo sa napakaraming aspeto. Kanyang pinagmulan, pagkakilanlan at ngayon, kanyang tunay na tungkulin sa Pilipinas. Mukhang kailangan na kumilos ng administrasyon at tuma­tagal lang ang isyu na ito. Patung-patong na kaso ang hina­handa na laban­ sa kanya at iba pa. Kung ibalik siya sa China, pumayag kaya?

ALICE GUO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with