SA kabila na may Anti-Hazing Law (Republic Act 11053), patuloy pa rin ang pagpapahirap sa mga neophyte o bagong recruit sa fraternity. Marami nang namatay dahil sa hazing at ang RA 11053 ay dekorasyon na lamang dahil hindi kinatatakutan ng mga “uhaw sa dugo” na miyembro ng fraternity.
Noong Linggo (Setyembre 29), isang 18-anyos na estudyante sa Jaen, Nueva Ecija ang namatay dahil sa hazing ng Tau Gamma Phi fraternity. Nakilala ang biktima na si Ren Joseph Bayan ng San Pablo National High School.
Ayon sa Jaen Municipal Police Station, ini-report ng tiyahin ng biktima ang nangyari sa pamangkin dakong 10:20 ng gabi noong Linggo na namatay umano ito sa hazing. Bago iyon, sinabi ng tiyahin na umaga ng Linggo ay nagpaalam si Ren Joseph na isasailalim siya sa final hazing. Nang mag-alas singko ng hapon ng araw ding iyon, dinala ng mga suspek sa kanilang bahay ang patay na pamangkin. Marami itong pasa sa likod, hita at may mga kurot sa magkabilang pisngi. Isinagawa ang autopsy sa bangkay. Hinahanap na ng mga pulis sina Baron Cabado at Patrick Guinto, mga miyembro ng Tau Gamma Phi na sangkot sa hazing.
Noong Pebrero 18, 2023, namatay ang Adamson University student na si John Matthew Salilig, miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity dahil sa rami ng palo sa katawan mula sa mga ka-frat. Inilibing siya sa isang masukal na lugar sa Imus, Cavite.
Noong Marso 2022 namatay din sa hazing ang 18- anyos na si Reymart Madraso, estudyante, taga-Kalayaan, Laguna. Mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang nasa likod ng hazing.
Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon. Namatay si Despabiladera dahil sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Fraternity.
Noong 2019, namatay si Cadet 3rd Class George Carl Magsayo ng Philippine National Police Academy (PNPA) nang suntukin sa sikmura ng Cadet 2nd Class.
Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na kanyang kinaaaniban. Siyam na miyembro ng fraternity ang kasalukuyang nakakulong dahil sa pagpatay kay Castillo.
Sa kabila na may Anti-Hazing Law, walang natatakot dito. Nararapat lagyan pa ng ngipin ang batas. Bigatan ang parusa para matakot ang mga miyembro ng “pataynity’’. Kung hindi, paulit-ulit ang hazing at maraming mamamatay.