NAPIKON si Alice Guo nang maungkat sa imbestigasyon ng quad committee ng Mababang Kapulungan ang pagiging diumano’y espiya niya ng China. Ito ay batay sa deklarasyon ng isang Chinese spy na nakakulong sa Bangkok na kinapanayam ng foreign tv network Al Jazeera.
Ang payo raw ni She Zhijiang, ang self-confessed Chinese spy kay Alice Guo ay mahirap magtiwala sa China kahit para sa mga secret agents na naglingkod ng tapat sa Chinese Communist Party.
Sumiklab sa galit si Guo at sinabing idedemanda niya ang nagsabing siya ay espiya. Naggagalit-galitan ba siya para kumbinsihin ang mga nakaririnig na siya ay tunay na Pilipino at hindi espiya ng China? Paano niya maidedemanda ang nagsiwalat na siya ay espiya kung Ito’y dayuhang nakakulong sa ibang bansa at humihingi ng political asylum sa Thailand?
Ayaw daw madeport ng espiya sa China dahil papatayin siya at ganyan din ang malamang mangyari kay Guo. Deny to high heavens naman si Alice at nagpakita ng galit.
Pero kung hindi siya espiya, anong dahilan at nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng mga pinekeng dokumento, makumbinsi ang mga taumbayan na siya ay Pilipino at naging mayor pa ng Bamban, Tarlac? Pero sa tingin ko, ipit na ipit na si Guo sa overwhelming na ebidensiya tungkol sa kanyang citizenship.
Naniniwala ako na malapit nang lumabas ang katotohanan hindi lamang sa pagkakadawit niya sa ilegal na operasyon ng POGO kundi sa issue ng kanyang pagkamamamayan.
Nakakaawa siya. Ginamit lamang siyang instrumento ng mga entidad na may buktot na hangarin.