PINANGUNAHAN ko ang pamamahagi ng mga materyales para sa Creative DRR (Disaster Risk Reduction) Education Program na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtataguyod ng katatagan sa ating pamumuhay simula pa lamang sa elementarya.
Nakipagtulungan ang lungsod sa CityNet Plus Arts upang suportahan ang ating mga lokal na guro sa Makati sa pagbuo ng mga materyales na magpapalakas sa katatagan ng ating mga estudyanteng #ProudMakatizen. Ang inisyatibong ito ay sumasalamin sa ating layunin na hindi lamang turuan ang ating mga kabataan sa akademiko, kundi pati na rin sa pagiging matatag sa harap ng mga sakuna.
Sa pamamagitan ng programang ito, nais nating isama ang edukasyon sa kahandaan sa sakuna bilang bahagi ng araw-araw na pag-aaral ng ating mga mag-aaral. Ito ay mahalagang hakbang patungo sa mas ligtas at handang komunidad.
* * *
Dumalo ako at nakipagdiwang sa Makati Tourism Day sa Glorietta 2. Ipinagmamalaki ko ang naging eksibisyon ng mga larawan at video mula sa ating mga lokal na patimpalak, mga pocket talks na nagbigay kaalaman, at ang paglulunsad ng Makati Tourism Website 2.0. Ang mga ito ay sumasalamin sa yaman ng ating kultura at ang pagnanais nating palaguin pa ang turismo sa Makati. Sa pagtutulungan natin, ipinagdiriwang din natin ang World Tourism Day sa ilalim ng temang “Tourism and Peace.”
Bilang inyong Mayor, ito’y isang patunay ng ating walang-sawang pagtatrabaho upang mas lalong makilala ang Makati bilang isang lugar ng kapayapaan at kagandahan sa mata ng mundo.
* * *
Taos-puso akong bumabati kay President Elyxzur Ramos ng University of Makati sa kanyang pagkakahalal bilang Vice Chair ng Board of Directors ng World University Rankings for Innovation (WURI). Dahil sa kanyang mahusay na pamumuno, napabilang ang UMak sa prestihiyosong GlobalTop 200 Innovative Universities ng WURI noong 2023. Ibig sabihin, hindi lang tayo nag-eexcel sa academics, pati na rin sa pagbibigay ng tunay na impact sa industriya at lipunan.
Para sa WURI, ang pag-assess sa mga kontribusyon ng mga higher education institution sa industriya at lipunan ang focus nila, at kitang-kita naman ang bunga ng dedikasyon ni President Ramos at ng buong UMak community dito. Nakakainspire ang ganitong achievements.