HINDI na talaga ako nagtataka kapag may nababalitaan akong mga pulis na nagpapatay o nagpapapatay ng tao. At itong bagong balita ay hindi naiiba. May imbestigasyon sa Senado kay Royina Garma, dating pulis Davao, dating hepe ng PNP sa Cebu at dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa kanyang pagkakasangkot daw sa pagpatay sa tatlong Chinese drug traffickers sa Davao Penal Colony noong Agosto 2016. Si Rodrigo Duterte na ang pangulo ng Pilipinas nang panahong iyon, masabi ko lang. Alam ng lahat ang mga madugong pangyayari sa buong bansa noong Presidente na siya.
Sa pagdinig sa Senado, lumabas din na pitong kamag-anak ni Garma, kabilang ang kanyang anak na may problema pala sa kalusugan ng pag-iisip, ang ipinasok sa PCSO. Pitong kamag-anak. Garapal at walang delikadesa ang masasabi ko lang. Kinuwestiyon na wala namang kuwalipikasyon ang kanyang anak na maging confidential agent ng PCSO. Depensa ni Garma, nadiskubre lang na bipolar ang kanyang anak noong umalis na sa PCSO. Ibig sabihin ba na hindi siya bipolar noong nasa PCSO siya at nadiskubre lang noong nakaalis na?
Pero ang pinakamabigat na akusasyon kay Garma ay isa siya sa likod ng pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020. Nagpahayag si police Lt. Col. Santi Mendoza na si Garma at Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo ang mga utak sa likod ng pagpatay kay Barayuga. Inutusan umano si Mendoza na maglunsad ng operasyon laban kay Barayuga dahil sangkot daw sa iligal na droga. Iyan naman ang uso noong administrasyon ni Duterte, hindi ba? Na sapat na ang magsabing sangkot sa iligal na droga para may katwiran nang patayin.
Ayon kay Mendoza gusto niyang siguraduhin muna ang akusasyon sa target kasi opisyal ng gobyerno. Si Barayuga ay abogado at dating heneral din. Pero sinabihan siya umano ni Leonardo na kapag matagumpay ang operasyon ay gaganda na ang takbo ng kanyang karera bilang pulis. At may basbas na raw ni Garma. May kinausap si Mendoza na isang Nelson Mariano na alam niyang may network para sa ganitong operasyon. Napatay si Barayuga noong pauwi na mula sa PCSO. Tandaan, lahat ng mga taong sangkot sa krimeng ito ay mga pulis o dating pulis.
Mabigat ang hinaharap na kaso ni Garma at Leonardo, pero hindi dapat mapawalang-sala si Mendoza na sa kinalaunan ay siya ang namuno sa operasyon para patayin si Barayuga. Umiikot ang mundo. Noon, makapangyarihan sila at inakala ay lahat magagawa nila, kasama ang pagpatay sa tao. Ngayong iba na ang Presidente, lumalabas na ang kanilang umanong mga sala. Ang tunay na dahilan daw kung bakit pinatay si Barayuga ay magsasalita na raw tungkol sa mga anomalya sa PCSO sa ilalim ni Garma. Bilyon ang natalo raw sa PCSO sa ilalim ni Gama. Nasiwalat na ginawan din ng paraan ni Garma na maglagay ng P2 milyon sa party-list na itinayo niya. Saan kaya natuto si Garma para maging ganitong klaseng pulis? Sa Davao?
Sana naman, may kahinatnan ang lahat ng imbestigasyon ng Senado kina Garma, Leonardo, Mendoza at kung sino pa. Kailangang managot para sa krimen. Wala nang mas masama sa taong nanumpa na ipatupad ang batas, magbigay ng proteksyon at serbisyo sa mamamayan na sangkot pala sa mabigat na krimen.