EDITORYAL - Pagsasama ng POGO at droga
Hindi lamang human trafficking, prostitution at money scam ang kinasasangkutan ng Philippine Offshore and Gaming Operator (POGO) kundi pati na rin ang illegal na droga. Nagsama na ang POGO at ang illegal drugs. At ang nasa likod nito ay si Michael Yang, na dating presidential adviser ni dating President Rodrigo Duterte at Lin Weixiong alyas Allan Lim na asawa ni Rose Lin.
Ayon sa House of Representative quad committee, isang “criminal enterprise” ang kinapapalooban nina Yang at Lim na ginagamit ng sindikato. Mayroon silang network ng corporations. Sinabi pa ng quad committee na nakita nila si Rose Nono Lin na incorporator ng walong kompanya. Si Rose Lin ay dawit din sa Pharmally Pharmaceutical, ang kompanyang nakakuha ng kontrata sa DOH kahit na P600,000 lamang ang capital. Gamit na gamit umano ng sindikato si Lin.
Ayon pa sa quad committee, kasama ang mga kumpanyang dawit sa POGO at shabu ay ang Paili Estate Group, Paili Holdings, Philippine Full Win Group of Companies, at Xionwei Technologies. Nakita rin sa imbestigasyon na pareho ang service provider ng Xionwei at ng POGO ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na Baofu.
Malawak umano ang operasyon ni Yang at Lim. Bukod sa droga ay may link din umano ang mga ito sa Golden Sun 999 na sangkot naman sa malakihang pagbili ng mga lupain at may mga isyu ng mga pagkamkam ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil sa pagkakatuklas ng ugnayan ng droga at POGO, hindi na nakapagtataka kung bakit hindi masawata ang pagkalat ng shabu sa bansa. Hindi maubus-ubos sa kabila na maraming nakukumpiska. Malawak ang network at hindi mapatid-patid ang link.
Ang mga lumulutang na shabu sa dagat ay maaaring nanggaling din sa sindikatong nagpapatakbo kay Yang at Lim. Dapat nga talagang halukayin ng quadcom ang dalawang personalidad na ito.
Dapat na talagang mawasak ang POGO sapagkat ito ang ginagamit ng mga sindikato sa masasamang aktibidad. Ipinag-utos na ni Presidente Marcos Jr. na hanggang Dis. 31, 2024 na lamang ang POGOs. Wala nang maiiwan.
Kung maari, paagahin pa ang deadline sa pag-alis ng POGO. Habang narito sa bansa ang salot na POGO, nagbibigay ito ng alalahanin na maaaring mayroon pang mga sindikato na gumagamit dito.
Maging alerto naman ang PAGCOR at baka may mga POGO na sa halip na umalis ay magtago at buuing muli para kumita nang limpak. Bantayan ang mga ito.
- Latest