Dapat marahil sinisilip din ng Department of Migrant Workers ang sistema ng mga medical examination na ipinapagawa ng mga recruitment agencies sa mga overseas Filipino worker. Kabilang ang medical examination sa mga prosesong dinadaanan ng mga Pilipinong nag-aaplay ng trabaho sa ibayong-dagat bago sila payagang makalipad paalis ng Pilipinas. Karaniwan din itong hinihingi ng mga dayuhang bansang papasukan ng mga OFW.
Magkakaiba kasi ang sistema ng iba’t ibang recruitment agencies at ng ibang mga bansa sa mga medical test sa mga OFW. May mga ahensiyang merong kakontratang mga medical clinic na kailangang puntahan ng mga aplikante para sa medical check-up at laboratory examination. Ang iba naman ay hinahayaan ang OFW na pumili ng gusto nitong accredited medical cli-nic para magpatingin ng kanilang kalusugan. May mga dayuhang bansa naman na siyang pumipili ng mga klinika o ospital sa Pilipinas para sa medical examination ng mga aplikanteng manggagawang Pilipino.
Kamakailan lang, binatikos ng tagapagtatag ng Social Justice for Migrant Workers (SJMW) na si Marites Palma ang anya ay talamak na gawain ng ilang recruitment agencies sa Pilipinas na ilang beses na ipinapailalim sa mga medical check-up ang mga nag-aaplay ng trabaho bilang domestic helper sa ibang bansa para kuhanan ng marami pang pera ang mga ito.
Walang binabanggit si Palma na pangalan ng sangkot na mga ahensiya nang batikusin niya ang naturang anomalya sa isang ulat kamakailan ng The Sun HK pero ganito umano ang karanasan ng maraming Filipina domestic helper na dumaraan muna sa mga recruitment agencies sa Pilipinas bago makaalis papuntang Hong Kong.
Sinabi ni Palma sa The Sun HK na nangyari rin ito sa kanya ngayong taong ito. Ilang araw na lang bago ang takdang araw ng pagpunta niya sa Hong Kong, sinabihan siya ng kanyang ahensiya na lumabas sa kanyang unang medical check-up na meron siyang irregular heartbeat kaya kailangan niyang sumailalim sa bagong ECG (echo cardiogram). Itinanong niya sa ahensiya kung merong paraan na masertipikahan siyang “fit to work” para makaalis siya. Sinabihan siya na maaaring magbayad na lang siya ng eks-tra para sa medical clearance. Wala nang bagong ECG na ginawa sa kanya.
Nabatid ni Palma na karaniwan nang nangyayari ito sa mga umaalis na OFW lalo na iyong mga “direct hires” o iyong merong natagpuang sarili nilang employer.
Pinuna ni Palma na dahil sa “no placement fees” policy na ipinapatupad ng pamahalaang Pilipino, gumagawa umano ng bagong mga taktika ang ilang recruitment agency para pagkakitaan ang mga OFW.
“Parang ang lumalabas ay pinagkakakitaan ang mga OFW dahil hindi na sila mapagbayad nang malaki,” sabi sa The Sun HK ni Palma na mahigit 20 taon nang domestic worker sa Hong Kong. Pinag-aalala ang mga OFW hinggil sa kunwari ay medical condition ng mga ito para pagkakitaan.
Nabanggit sa artikulo ng The Sun HK ang karanasan ng ilan pang OFW sa naturang mga medical test bagaman hindi isinaad ang tunay nilang mga pangalan. Isang Shareena na nakitaan ng lower lobe pneumonitis sa kanyang x-ray result ang nakaalis pa rin sa Pilipinas makaraang magbayad siya sa klinika o ahensiya para makakuha siya ng medical clearance. Isa pang OFW na si Em Lee ang nagsabi na matagal na itong “modus” ng mga ahensiya kahit walang sakit o medical issues ang manggagawa. Me-ron umanong sabwatan ang ilang ahensiya at klinika dahil magkahati sila sa kita.
Sa kaso ni Em Lee, sinabihan siya na kailangan niyang sumailalim siya sa bagong test dahil sa kanyang rare blood type kahit alam niyang hindi ito totoo dahil O negative siya na isang universal blood type pero nagbayad na rin siya. Isa pang OFW na sa kanyang pre-departure test, sinabihan siya ng doktor na buntis siya. Pero umangal ang OFW na nagsabing hindi siya aktibo sa sex nang panahon na iyon dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang asawa. Namula ang doktor sa pagkapahiya. Ang ibang OFW ay nagbahagi sa The Sun HK ng kanilang karanasan na dalawa o tatlong beses silang pinag-medical exam para sa ekstrang bayad pero sinabihan sila kinalaunan na walang problema sa kanilang kalusugan.
Sa kaso ni Cherry na tubong-South Cotabato at isang dating OFW sa Qatar at Hong Kong, hindi lang pera o kapayapaan sa isip ang nawala sa kanya kundi pati na rin ang trabaho na ilang buwan niyang pinaghirapan para makuha.
Bago siya umalis pabalik sa Qatar noong Agosto, sinabi ng kanyang ahensiya na kailangan niyang magpa-CT scan dahil sa ilang iregularidad na nakita sa kanyang X-ray examination. Pinayuhan siya ng ahensiya na wala siyang dapat ipag-alala dahil ang employer niya ang magbabayad. Pero nagalit ang employer nang malaman ito kaya kinansela nito ang visa ni Cherry.
Ikinagalit ng employer na pagkatapos niyang maghintay ng napakatagal, hindi pa rin niya mabatid kung kailan makakapunta si Cherry sa Qatar.
Nang panahong iyon, umabot na sa P300,000 ang nagastos ni Cherry sa application process. Bumalik na lang siya sa kanyang pamilya sa Mindanao at kinalimutan nang magtrabaho sa ibang bansa.
Karanasan pa lang ng mga OFW sa Hong Kong ang nabanggit sa The Sun.
Paano na ang na-ging sitwasyon ng mga OFW sa iba pang mga bansa tulad ng mga nasa Middle East, Europe o Asia na dumaan muna sa mga medical examination sa Pilipinas bago nakaalis?