Palapit nang palapit ang 2025 midterm elections. At kapag election, hindi maihihiwalay ang karahasan. Maraming magkakalaban sa pulitika ang nagkakainitan na humahantong sa malalagim na patayan. Marami sa mga pulitiko ang may tauhang “sandatahan” para maprotektahan ang sarili sa mga kalaban sa pulitika. Maraming pulitiko ang nagmamay-ari ng baril at hindi ito makontrol ng Philippine National Police (PNP). Walang kakayahan ang PNP na mabasag ang arsenal ng mga pulitiko kaya naman nananatili ang mga sandatahang tauhan.
Bukod sa nalalapit na election, palapit na rin ang Christmas season. Ang panahong ito ang inaabangan ng mga masasamang loob. Naghihintay lamang sila ng tamang pagkakataon para makapangholdap ng mga establisyimento. Madaling naisasagawa ang panloloob sa mga establisyimento sapagkat bihira ang ginagawang pagpapatrulya ng mga pulis.
Nagsasagawa lamang nang pagpapatrulya ang mga pulis kapag binatikos sa radio at diyaryo at kapag lumamig na ang isyu ay balik na naman sa dati. Ang ningas kugon na gawaing ito ang inaabangan ng mga masasamang loob.
Nakapagtataka rin naman na kahit ang mga karaniwang manggagawa o mga dayo galing sa probinsiya ay nasasangkot sa pamamaril sa Metro Manila. Gaya nang nangyaring pamamaril sa Sauyo, Quezon City kung saan dalawang tanod ang binaril at napatay. Ang dalawang suspek na galing umanong Pangasinan at Nueva Ecija ay sinaway lamang ng barangay tanod dahil sa pag-iingay dakong alas diyes ng gabi. Nagalit ang mga suspek at binaril ang mga tanod. Naaresto rin ang mga suspek na napag-alamang may mga kasong murder sa probinsiya.
Maski ang isang basketball player ay sangkot din sa pamamaril at ngayon ay nahaharap sa kasong attempted murder. Sumuko sa Lumban Laguna police station ang PBA North Port player na si John Amores at kapatid nito matapos na masangkot sa pamamaril sa kanilang nakaalitan habang naglalaro ng basketball sa Lumban. Nakasagutan umano ni Amores ang isa sa mga kalaban nila dahil sa pustahang P4,000 sa basketball. Ang pagtatalo ay nauwi sa pamamaril. Hindi pa nababatid ng pulisya kung paano nagkaroon ng baril si Amores. Hindi pa natatagpuan ang baril na ginamit ng basketball player.
Laganap ang loose firearms. Kahit sino na yata ay mayroong baril at sa kaunting pagtatalo ay nagbabarilan. Ganito na ba kadaling magmay-ari ng baril ngayon? Ano ang ginagawa ng PNP para masawata ang pagkalat ng mga baril na hindi lisensiyado? Dapat magtrabaho nang triple ang PNP sapagkat lalo pang lulubha ang krimen sa pagsapit ng 2025 election.