Senado vulnerable lagi sa kudeta
Kamakailan ay may naisulat ako sa kolum na ito tungkol sa namumuong planong kudeta sa Senado. Ito ay ang pang-aagaw sa posisyon ni Sen. Chiz Escudero bilang Pangulo ng Mataas na Kapulungan.
Kamakailan lang ay si Sen. Juan Miguel Zubiri ang Senate President at sa isa surpresang pangyayari ay bigla siyang pinalitan ni Sen. Chiz Escudero. Ngayon, si Zubiri ang may babala sa lahat ng magiging Senate President, kasama na si Escudero na huwag magpaka-kampante sa puwesto dahil ano mang sandali ay puwedeng maagawan ng posisyon. Sa lahat yata ng mga nagdaan administrasyon ay may mga nangyayaring pang-aagaw ng puwesto ng Senate President at House Speaker.
Kagaya rin kasi ng House Speaker, impluwensyal na posisyon ang Senate President. Nasa hanay ng mga successor sa Presidente ng bansa ito kasama ang Speaker of the House at Supreme Court Chief Justice.
Kung minsan, ang Presidente ng bansa ang maaaring lihim na makipagtalastasan sa mga impluwensyal na leader ng alin mang kamara para gapangin ang pagpapatalsik sa namumuno lalo pa’t hindi kayang diktahan ng administrasyon ito.
Sa kaso ni Zubiri, sinasabing pinalitan siya dahil ayaw niyang sumayaw sa pagnanais ng administrasyon na magkaroon ng charter change (cha-cha). Pero tila wala ring pag-usad ang isyung ito sa ilalim ng pamununo ni Escudero kahit pa Ito’y plantsado na sa Kamara de Representante. Marahil nga ay napapanahon ang warning ni Zubiri.
Kung ganyan ang kalakaran, para que pa na may bicameral legislature tayo na nadidiktahan din naman ng administrasyon? Nasaan na ang nais nating check and balance?
Ayaw ko sa diktadurya pero ayaw ko rin sa sistemang mapagkunwari.
- Latest