Kung sa Metro Manila ay may kakulangan sa serbisyo ng kuryente, mas malala sa mga lalawigan. Bukod sa mataas na singil ng kuryente, nandiyan din ang kakulangan sa suplay ng enerhiya at di pagtupad ng mga namamahagi ng kuryente na magbigay ng maayos na serbisyo sa mga konsyumer.
Hindi biro ang pagtitiis ng mga konsyumer sa mga lalawigan na ilang oras lang ang kuryente, o di kaya ang madalas na brownout, pero ang pinakamalala ay mawalan ng kuryente sa buong maghapon.
Hindi lingid sa mamamayan na ang suplay ng enerhiya ng bansa ay ipinamamahagi ng mga pribadong distribution utility companies at mga kooperatiba ng kuryente sa mga lalawigan.
Mas may malalim na bulsa ang mga pribadong kumpanya para makapagbigay ng episyenteng serbisyo kumpara sa mga kooperatiba pero hindi ito dapat dahilan na kaligtaan ng mga kooperatiba ang kanilang sinumpaang mandato.
Ang pagbibigay ng maayos na suplay ng kuryente sa mga lalawigan pati na pagtulong sa mga kooperatiba ng kuryente ay nakaatang sa balikat ng National Electrification Administration (NEA).
Subalit mas mahalaga kung isantabi muna ang pagsuong ng mga adhikaing may kulay pulitikal at makinig na lang mabuti sa mga totoong hinahing ng mga residente sa mga lalawigan.
Halimbawa na lang ang sitwasyon sa Batangas na maraming residente ang nagnanais na makapasok ang Meralco sa kanilang lalawigan. Sa tingin nila, ang Meralco ay maayos ang serbisyo at matutulungan ang kooperatibang elektrisidad kagaya ng BATELEC 1&2 na ayusin ang pamamahagi ng kuryente sa nasabing probinsiya.
Mukhang hindi yata tama na ilang parte lang ng probinsiya ang kasalukuyang nakikinabang sa maayos na serbisyo ng Meralco dahil kasama ang mga lugar nila sa sakop ng prangkisa ng Meralco. Mayroon pa ring kasing mga munisipalidad sa Batangas na di sakop ng Meralco ang madalas makaranas ng brownout, kasama na ang mga beach resorts na umaasa sa sapat na suplay ng kuryente para makapagbigay ng mainam na serbisyo sa kanilang mga bisita at patuloy na pag-unlad ng kanilang negosyo.
Wala pang ibang distribution utility company sa bansa ang makakapantay sa kakayahang pinansyal at technology expertise ng Meralco na magbigay ng maayos na kuryente. Masisigurado ng Meralco sa mga residente ng mga lalawigan na magkakaroon sila ng mura at sapat ng suplay ng kuryente.
Patuloy ang paghahanap ng Meralco ng kumpanyang makakapagsuplay ng kuryente sa pamamagitan ng Competitive Selection Process (CSP). Dahil dito, iginawad kamakailan lamang ng Meralco ang power supply agreement (PSA) sa dalawang generation companies na may pinakamababang offer sa pagsuplay ng kuryente.
Sinabi kamakailan lamang ni House Majority Leader Congressman Manix Dalipe na maraming probinsiya, siyudad at munisipalidad sa labas ng Maynila ang nagtitiis sa kakulangan ng kuryente, lalo sa mga malalayong lugar.
Dapat tayong makiisa sa panawagan ni Dalipe na tugunan ng NEA at Marcos administration ang maling pamamalakad ng mga kooperatibang elektrisidad. Nagpapahirap sila sa mga konsyumer dahil sa masamang serbisyong elektrisidad na dahilan kung bakit mabagal ang pag-unlad ng ekonomiya sa mga lalawigan.