Pagkilos para sa kalikasan, paiigtingin pa!
Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa kauna-unahang listahan ng 50 Sustainability Leaders ng Forbes.
Nakasama natin sa listahan ang iba’t ibang mga opisyal ng gobyerno, entrepreneurs, scientists, pilantropo, investors at mga aktibista na lumalaban sa climate change sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Nais kong ibahagi ang pagkilalang ito sa lahat ng QCitizens na nakikiisa at tumutulong para maging matagumpay ang ating mga proyekto ukol sa pagligtas at pangangalaga ng ating kalikasan.
Pangunahin sa mga pagkilos at mga proyektong kinilala ng Forbes ay ang desisyon nating ideklara ang climate emergency sa lungsod nang tayo’y maupo noong 2019.
Dahil sa deklarasyon nating ito, nailaan natin ang 13 porsiyento ng budget ng siyudad sa mga pagkilos ukol sa ating kalikasan.
Pinuri rin ng Forbes ang ginawang pagdoble ng lokal na pamahalaan sa ating bike path network sa 217 kilometro, na naghikayat sa maraming QCitizens na gumamit ng bisikleta patungo sa trabaho, paaralan at sa iba pang mga lakad.
Bukod pa rito, kinilala ng Forbes ang iba pa nating pagkilos para maalagaan ang kalikasan, gaya ng pagdaragdag ng electric bus sa ating libreng sakay at paglalagay ng solar panel sa mga pampublikong gusali sa ating siyudad.
Kasama rin dito ang pagbabawal natin sa paggamit ng plastic bags at single-use utensils, pagpapatupad ng “trash-to-cashback” program, at paglalagay ng refilling stations para sa liquid detergent at iba pang karaniwang ginagamit sa bahay.
Bilang bahagi ng kampanya natin laban sa epekto ng climate change, inilunsad natin ang “Tanggal Bara, Iwas Baha” Program upang mabawasan ang pagbaha sa ating mga kalsada.
Inatasan natin ang lahat ng 142 barangays na unahin ang paglilinis ng mga baradong drainage systems, kanal, street inlets, manholes, at interceptors sa lahat ng kalsada ng QC.
Gamit ang pagkilalang ito mula sa Forbes bilang lakas at inspirasyon, asahan na ng QCitizens ang mas pinaigting pang pagkilos at paghahanap ng mga solusyon upang maalagaan ang ating kalikasan para sa kasalukuyan at darating pang mga henerasyon.
- Latest