SI Deng Xiaoping ang pinaka-mahusay na pinuno ng modernong China. Nasa poder siya nu’ng 1978-1989. Pero hindi siya tumanggap ng pormal na posisyon sa gobyerno o sa naghaharing China Communist Party.
Ipinuwesto niya ang mga tiwalang kadre bilang Chairman ng CCP at Presidente ng China. Kuntento na siya sa pagiging hepe ng China National Bridge Society; buong araw lang siya nagbabaraha ng bridge.
Masusing pinag-aralan ng CCP ang mga tilamsik ng talino ni Deng. Ipinatigil niya ang sapilitang sosyalismo. Sa halip, ipinatupad niya ang kapitalismo. Hinayaan magnegosyo ang mamamayan at bumili ng personal na ari-arian: bahay, kotse, makina.
Kabaliktaran siya ni Chairman Mao Zedong na sapilitang pinagtipid lahat ng tao. “Maluwalhati maging mayaman,” deklara ni Deng. Ang pamantayan niya sa pag-angat ng bawat pamilya ay ang pagkakaroon ng “limang dapat”: cooking range, telebisyon, telepono, washing-machine, at computer.
Dahil sa limang kagamitan na ‘yon, napadali ang mga gawaing bahay. Nagkaoras ang Chinese sa impormasyon at liwaliw. Napahusay ang edukasyon. Naging ikalawang pinaka-malakas na ekonomiya sa mundo ang China.
Nakini-kinita rin ni Deng ang mangyayari sa sobrang lakas ng ekonomiya. Lalakas din ang militar. Matutulad ang China sa mga imperyalistang America, Britain, France, at iba pa.
Binigkas ito ni Deng sa United Nations nu’ng April 1974:
“Kung balang araw ay magbagong kulay ang China at maging superpower, kung magmalupit din siya sa mundo, at kung saan-saan ay mam-bully ng iba, manlupig at mang-api, dapat siyang tagurian ng sangkatauhan na sosyalistang-imperyalista, ilantad siya, labanan siya, at makiisa sa mamamayan ng China para ibagsak siya.”
Napapanahon nang tuparin ang payo ni Deng.