Maraming imported na bigas ang nakatengga sa mga container at nananatili sa mga malalaking pantalan sa bansa. Sa Manila International Container Port (MICT) at sa South Harbor, 900 container na naglalaman ng 23 milyong sako ng bigas ang hindi kinukuha ng importers. Ayon sa Philippine Port Authority (PPA), matagal nang nasa pantalan ang mga container pero hindi pa kinukuha ng importers. Nagbabayad umano ang importers bawat araw na nasa pantalan ang kanilang produkto.
Ang nakapagtataka naman ay kung bakit hindi umaaksiyon ang Department of Agriculture (DA) para ito ang kumalampag sa rice importers na i-pull out ang mga nakatenggang bigas sa pantalan. Ang DA ang may kapangyarihan sa mga nakatenggang bigas. Sabi ng PPA, pinadalhan na nila ng letter ang DA ukol sa mga nakatenggang bigas subalit wala pang pagkilos.
Kahapon, na-report na maski sa Subic at Batangas ports ay marami ring container ng imported na bigas na hindi kinukuha ng importer. Hindi sinabi ang bilang ng mga container na may lamang imported rice pero matagal na umano itong nakatengga sa mga pantalan na nabanggit.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, binigyan na nila ng ultimatum ang rice importers para i-pull out ang mga bigas. Nagpadala na umano sila ng sulat noong Setyembre 19 sa importers. Kapag hindi pa raw gumawa ng aksiyon ang rice importers, kakalampagin muli nila ang DA.
Hayagang sinabi ni Santiago na posibleng hinihintay daw ng mga consignee na tumaas ang presyo ng bigas sa mga palengke bago nila i-pull out ang kanilang kargamento sa pantalan. Sabi ni Santiago, maituturing itong hoarding na ang kaibahan lamang ay nasa mga pantalan pa ang bigas at wala sa mga bodega. Hindi raw naman maaring galawin ng PPA ang mga shipment kaya nararapat na ang mga awtorisadong ahensiya ang gumawa ng paraan para mailabas sa pantalan ang mga nakatenggang bigas.
Maliwanag ang sinabi ni Santiago na hinihintay ng rice importers na sumirit sa mga palengke ang presyo ng bigas at saka nila kukunin sa port ang milyun-milyong sako. Tiyak na paldo ang kanilang bulsa sa kikitain. Mamimintog ang kanilang bulsa sa dami ng kikitain.
Pero habang nanagana ang bulsa ng mga ganid na rice importers, mga kawawang mamamayan naman ang sisigaw sa kamahalan ng bigas. Mga mahihirap ang apektado. Hindi na nga nila natikman ang pangakong P20 per kilo ng Marcos administration, magiging biktima naman sila ng mga ganid na negosyante. Kumilos naman sana ang DA secretary sa nangyayaring ito.