Nakalinya na ang iba’t ibang programang pabahay ng pamahalaang lungsod ng Quezon City para sa urban poor sector at informal settler families.
Sa huling datos, nasa 200,000 pamilya ang kabilang sa informal settler at sektor ng urban poor na naninirahan sa ating lungsod.
Karamihan sa kanila ay nakatira sa mga bahay sa tabi ng estero at iba pang waterways, pati na sa mga mapanganib na lugar.
Tuwing may kalamidad, sila ang mga inuuna nating ilikas sa mas ligtas na lugar upang maiwasan na tangayin sila ng baha o masira ng malakas na ulan ang kanilang mga tahanan.
Sila ang mga nais bigyan ng pamahalaang lungsod ng katiyakan sa paninirahan, gaya ng pagkakaloob ng disente at abot-kayang tahanan na matatawag nilang kanila.
Sa tulong ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) programa ni Pangulong Bongbong Marcos, malapit ng matupad ang matagal na nating nais para sa kanila.
May itinatayo nang walong high-rise building sa Barangay Sta. Monica, Novaliches na kasya ang mahigit 1,500 benepisyaryo. Ang programang ito’y sa pagtutulungan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at lokal na pamahalaan ng QC.
Ang isang unit ay may laking 24 square meters hanggang 27 square meters. Kumpleto ito ng amenities gaya ng kama, sala, kusina, at banyo.
Para matugunan ang pangangailangan ng komunidad, ang housing project sa Novaliches ay may community hall, palengke, learning center para sa mga estudyante, pati na parking building.
Noong nakaraang linggo, sumailalim na sa orientation ng QC Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD), DHSUD, at Pag-IBIG Fund ang nasa 500 potensiyal na benepisyaryo mula sa District 5.
Sa datos ng HCDRD, ang ating siyudad ay mayroong 22,042 housing beneficiaries sa ilalim ng ating administrasyon.
Kabilang dito ang Community Mortgage Program (298 pamilya), Direct Sale Program (1,079 pamilya), housing project (2,711 pamilya), direct purchase program (10,710 pamilya), at national government relocation and resettlement program (2,370 pamilya).
Bukod pa riyan, nasa 32 QCitizen Homes na ang nakumpleto sa ilalim ng QC Socialized Housing Program at may dalawa pa na kasalukuyang ginagawa. Mayroon itong kabuuang 5,000 housing units.
Layon ng mga programang ito na bigyan ang ating QCitizens ng disenteng tahanan kung saan puwede nilang palakihin ang kanilang mga anak sa isang maayos at ligtas na komunidad.