^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pangalanan ang ex-PNP chief

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pangalanan ang ex-PNP chief

Kung may katotohanan ang sinabi ng isang opis­yal ng Philippine Amusement and Gaming Corpo­ration (Pagcor) na isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ang tumanggap ng suhol at tinulungang makalabas ng bansa ang nadismis na mayor ng Bamban, Tarlac at mga kasama, nakakahiya ang pambansang pulisya. Hindi na katanggap-tang­gap kung totoo ang akusasyong ito. Isang ma­laking ka­tak­silan sa sinumpaang tungkulin na tulu­ngang ma­katakas ang isang taong pinaghahanap ng batas. Ma­buti na lang at nahuli si Alice Guo at mga kasama sa Indonesia at naibalik sa bansa. Human trafficking at may kaugnayan sa POGO operations ang sinampa kay Guo.

Sinabi ni Pagcor Senior Vice President of Security and Monitoring Cluster Retired General Raul Villa­nueva sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality, may nakalap umano silang inpormasyon na isang dating hepe ng PNP umano ang tumanggap ng suhol at ito rin ang tumulong kay Guo na makalabas ng bansa. Gayunman, sinabi ni Villanueva na hindi niya alam ang pa­ngalan ng sinasabing PNP chief. Basta ang nalaman niya sa intelligence community ay isa itong dating PNP chief.

Kung hindi nalaman ang pangalan ng dating PNP chief, lumalabas na haka-haka lamang ito. Dapat alamin kung ano ang pangalan ng dating hepe at ihayag. Unfair ito sa mga naging hepe ng PNP noong panahon ni dating President Rodrigo Duterte. Hangga’t hindi pinapangalanan ay aandap-andap ang mga naging PNP chief. Hindi mawawala na mag-alala sila sapagkat mabigat ang akusasyon. Kung babanggitin ang pa­ngalan, saka lamang makahihinga nang maluwag ang mga naging PNP chief.

Ang isang tiyak, kapag natukoy ang pagkakakilanlan­ ng nasabing PNP chief, malaking dagok na naman ito sa pambansang pulisya. Nagsasagawa pa naman ng re­porma ang kasalukuyang PNP chief para mahango sa pag­kakalubog sa kumunoy ng mga kontro­bersiya at saka naman mababalita ang ganito kabigat na akusasyon.

Pinipilit ni PNP chief General Rommel Marbil na iba­ngon ang imahe ng organisasyon na pinamumunuan sa pamamagitan ng paglupig sa mga scalawags. Sa ka­sa­lukuyan, maraming pulis ang nasasangkot sa iba’t ibang krimen. May mga sangkot sa recycling ng illegal drugs, kidnapping, carnapping, pagpatay at iba pang karumal-dumal na krimen.

Nang maupo si Marbil noong Abril, nangako siya ng pagbabago sa PNP. Ang pangako ay patuloy na ina­asahan ng mamamayan. Ilapit niya ang mga pulis sa mamamayan sa pamamagitan nang malinis na pag­lilingkod. Kapag nagawa ito, mahahango sa kumunoy ang PNP.

vuukle comment

PHILIPPINE AMUSEMENT AND GAMING CORPO­RATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with