Kapuri-puri ang ginawa ni Gen. Nicolas Torre
TINITINGALA ngayon si Regional Police Office 11 director Gen. Nicolas Torre III dahil sa pagkakaaresto (ang iba ay sinasabing sumuko raw sa AFP) kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Quiboloy noong Setyembre 8 sa Davao City.
Itinaya ni Torre ang kanyang propesyon para maaresto si Quiboloy na halos dalawang linggo rin nilang pinaghanap sa KOJC compound. Nakita ang katapatan ni Torre at hindi tinalikuran ang tungkulin para maisilbi ang warrant of arrest sa pastor na nahararap sa mga kasong human trafficking at child abuse. Mayroon ding mga kasong kinahaharap si Quiboloy sa United States. Most wanted siya ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Bukod kay Quiboloy, apat pang miyembro ang naaresto. Sila ay sina: Ingrid Canada, Cresente Canada, Jacklyn Roy at Sylvia Cemanes. Ang isa pang miyembro ay nadakip noong Mayo. Sina Quiboloy ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Nahirapan sina Torre bago naaresto si Quiboloy. Nagbarikada ang KOJC members para hindi makapasok sina Torre. Binato ng silya at sinabuyan ng likidong mapanghi ang mga pulis. Pero hindi sumuko sina Torre at napasok ang compound. Kinailangang dagdagan ang puwersa ng pulisya sa compound kaya umabot sa 2,000 pulis ang dineploy ni Torre.
Hindi gumamit ng dahas o puwersa ang mga pulis at wala rin silang mga baril habang nasa compound. May mga human rights member na nagtungo sa KOJC para tingnan kung may mga lumalabag sa karapatang pantao. At ayon sa human rights groups, wala naman silang naobserbahang paglabag ang kapulisan.
Bumisita rin si dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” dela Rosa sa KOJC compound para personal na makita kung may pang-aabuso o paglabag ang mga tauhan ni Torre. At ayon kay Bato, wala naman daw itong nakita o na-monitor na paglabag.
Hinangaan ng mamamayan si Torre at naibalik ang magandang imahe ng PNP. Dahil sa determinasyon, pagsisikap at pagtitiyaga ay naisakatuparan niya ang pagpapasuko kay Quiboloy at naibalik ang katahimikan sa Davao. Kapuri-puri ang ginawa ni Torre at ngayon dahil sa kanyang ginawa, uusad na ang hustisya.
Samantala, tiniyak ng PNP na kakasuhan at pananagutin nila ang mga tumulong at nagkanlong kay Quiboloy. Inatasan na ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil si CIDG Director Major Gen. Leo Francisco na manguna sa isasagawang imbestigasyon at case build-up sa lahat ng mga tumulong sa nagpakilalang “Chosen son of God”. Abangan!
- Latest