PAGSAMPA ng 40-anyos, kadalasang nag-uumpisa ang pagsakit ng tuhod. Ilan sa mga dahilan kaya sumasakit ang tuhod: arthritis, sobrang katabaan at sobra sa ehersisyo.
Mga payo para hindi sumakit ang tuhod:
l Huwag magbuhat ng mabibigat. Kung mayroon kang bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat.
l Huwag palaging umakyat at bumaba sa hagdanan. Malaki ang stress sa tuhod ng paggamit ng hagdan.
l Huwag tumayo o maglakad nang matagal. Umupo paminsan-minsan at magpahinga. Mas relaks ang tuhod kapag nakaupo.
l Huwag mag-high heels. Alam kong mas sexy ang babae kapag naka-high heels, pero malaki rin ang stress nito sa tuhod.
l Huwag lumuhod sa sahig. Nakasisira ito ng tuhod. Kapag nasa simbahan, gamitin ang malambot na kutson para sa iyong tuhod.
l Kung mataba, magpapayat. Hindi kaya ng tuhod ang bigat ng tiyan.
l Gumamit ng rubber shoes o malambot na sapatos.
l Palakasin ang masel sa hita. Puwede ang stationary bike o mag-bending exercise ng bahagya. Masama ang sobrang pagbaluktot ng tuhod lampas sa 90 degrees.
l Kapag umiinit ang tuhod sa matagalang paglalakad, puwedeng lagyan ng malamig na bag o cold compress.
l Palakasin ang buto. Uminom ng skim milk na may maraming calcium. Para sa mga kababaihan, uminom din ng calcium supplements.
l Subukan ang Glucosamine at chondroitin tablets. Ang supplement na ito ay maaaring makabawas sa sakit ng tuhod.
l Kapag hindi nawala ang sakit sa tuhod, kumunsulta sa orthopedic surgeon o rheumatologist.