Kung sa Pilipinas ay mga seksing babae na may katabing bote ng alak ang madalas na litrato sa mga kalendaryo, sa Japan naman ay may isang kompanya na gumawa ng weird na kalendaryo kung saan ang mga nakalitrato ay iba’t ibang pusa na kita ang kanilang yagbols!
Inanunsyo kamakailan ng calendar company na Hagaromo na maaari nang umorder ng pinakakakaiba nilang kalendaryo sa darating na 2025, ang “Nyantama Calendar”.
Sa lengguwaheng Japanese, ang “Nyantama” ay pinagsamang salita na “Nyan” na ang ibig sabihin ay ngiyaw o tunog na ginagawa ng pusa at “Tama” na ang ibig sabihin ay bilog at madalas gamiting street slang ng mga Hapones kapag tinutukoy nila ang testicles o yagbols ng pusa.
Ayon sa Hagaromo, naisipan nilang gawin ang kalendaryong ito dahil sa babasahin na Nikkan Gendai. Ang Nikkan Gendai ay isang sikat na tabloid sa Japan na sa isang beses sa isang taon ay naglalabas ng special issue na tungkol sa mga pusa.
Sa naturang special issue na iyon, may section kung saan naglalathala sila ng mga “Nyantama” pictures o mga litrato ng mga pusa na nakabilad ang yagbols bilang katatawanan. Sa survey na isinagawa ng Nikkan Gendai para sa kanilang mga readers, natuklasan nila na ang Nyantama section ang pinakasikat at pinakainaabangan ng mga mambabasa taun-taon.
Dahil dito naisipan ng Hagaromo na gumawa ng kalendaryo para sa mga taong nag-aabang sa Nyantama section ng Nikkan Gendai. Bukod sa mga litrato ng mga pusa, ang Nyantama calendar ay may impormasyon din kung ano ang masusuwerteng petsa para sa 2025.
At bilang added bonus, ang mga oorder online ng naturang kalendaryo ay makakatanggap din ng photocard ng mga pusang naka-expose ang yagbols na maaaring ilagay sa wallet at case ng cell phone.
Ang Nyantama calendar ay may sukat na 15.7 x 11.8-inch bawat pahina at nagkakahalaga ng 1,760 yen (katumbas ng P677). Sa kasalukuyan, sa Japan lamang ito mabibili at walang impormasyon kung magiging available ba ito internationally.
Ang 2025 Nyantama Calendar na ipinakikita ang yagbols ng pusa.