Ngayong panahon ng tag-ulan, nagiging mas mahalagang panangga natin ang mga bakuna para sa ating mga chikiting.
Ito kasi ang panahon kung kailan nagiging mas mataas ang tsansang magkasakit ang mga bata mula sa mga sakit na kabilang sa W.I.L.D diseases, o water-borne, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue.
Bilang host ng Regional Health Connect Media Forum, nagkaroon ako ng pagkakataong personal na makita kung paano tinututukan ng ating mga lider at eksperto sa public health sector ang pagpapatibay sa mga programa ng pagbabakuna, at ang kalagayan ng ating mga KasamBuhay sa Iloilo at iba pang parte ng Western Visayas.
Maraming komunidad na nasa mga lugar na tulad ng Western Visayas ang kinahaharap ang panganib ng pagkakasakit ngayong tag-ulan. Bukod sa dengue, ang mga paaralan ay nagiging "breeding ground" para sa mga sakit tulad ng influenza, at iba pang mga karamdaman na kayang-kaya bigyan ng lunas ng mga bakuna. Ngunit sa kabila nito, ayon sa datos ng Department of Health (DOH) ay malayo pa sa kanilang immunization target ang rehiyon, dahil nasa 38% pa lamang ito.
Nakakaalarma na mula sa 95% na target ng DOH, hindi pa umaabot kahit sa kalahati ang immunization coverage sa Iloilo. Hindi lang ito nangangahulugan na maraming bata ang hindi protektado sa iba't ibang sakit, ngunit may potensyal din ito na maging malaking problema sa ating healthcare system. Kung wala ang proteksyon ng bakuna, mas madali silang tamaan ng sakit at makakasagabal sa kanilang pag-aaral, at pahihinain ang kanilang resistensya.
Kaligtasan ng mga chikiting laban sa ‘preventable diseases’
Ang pagbabakuna ay hindi lang isang medikal na hakbang, ito ay isang mahalagang obligasyon. Para kay Dr. Hector Santos, Presidente ng Philippine Medical Association (PMA), "wala nang mas mahalaga pa sa pagbibigay ng proteksyon sa ating mga kabataan sa pamamagitan ng mga bakunang kaya silang iligtas mula sa mga seryosong sakit." Bilang isang lipunan, nararapat na magtulungan ang isa't isa para masigurong walang batang hindi protektado laban sa mga sakit na ito.
Isa sa mga balakid na kinahaharap natin sa pag-abot ng ating vaccination target ay ang maling akala ng mga magulang na hindi ligtas o hindi kinakailangan ang mga bakuna. Dumadagdag pa rito ang laganap na misinformation na dapat nating itama. Bilang isang advocate para sa de kalidad na serbisyong pangkalusugan, nakikiiisa ako sa ating mga eksperto sa kanilang kampanya na makarating sa mga kabataan natin ang proteksyon na kailangan nila.
Ang mga bakuna, gaya ng nangingibabaw na panawagan ng ating mga eksperto, ay epektibo, ligtas, at libre sa ating mga public health center. Sana'y mapagtanto rin ng mga magulang na ito ang pangunahing panangga ng ating mga anak laban sa mga sakit, lalo na yung mga lumalala kapag bata ang tinamaan, at yung mga mas tumataas ang tsansa tuwing tag-ulan.
Nararapat ding magtulungan ang mga LGU, paaralan, at mga komunidad para paigtingin ang mga information campaign na nagpapaalala sa panganib na dala ng mga sakit tulad ng measles, tetanus at rubella -- at ang kakayahan ng mga bakuna na pigilan ang mga ito.
Ipinaalala naman ni Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo na kung patuloy ang ating kampanya para sa pakikiisa ng mga komunidad sa pagbabakuna, nararapat na may sapat na supply din tayo sa mga health center. "Maaabot lang natin ang mataas na vaccination coverage rate kung mayroon tayong sapat na bakuna sa mga health center. Kung walang bakuna sa pagbisita nila, masasayang lamang ang oportunidad na ito."
Nagkakaisang tugon sa pagbabakuna
Bukod sa mga programang hihikayat sa mga magulang, ang ating mga otoridad sa kalusugan ay nakatutok din sa pagpapatibay ng ating mga institusyon at ahensya para maging abot-kamay ang mga bakuna.
Ibinahagi sa atin ni Dr. Rodney Labis ng Iloilo Provincial Health Office na marami pang mga proyektong magpapaganda sa ating health infrastructures. Kasama na rito ang karagdagang pondo at mga kawani, para matupad ang mga inisyatibong tulad ng inilahad ni Dr. Jose Atienza (Immunization Program Coordinator, DOH CHD Western Visayas) --- ang pagbabalik ng school-based immunization programs, na magbibigay ng libreng pagbabakuna sa mga mag-aaral sa Grade One hanggang Grade Seven simula ngayong Oktubre.
Ngayong tag-ulan, huwag po nating ipagwalang-bahala ang kalusugan ng ating mga anak. Gaya ng sinabi ni PHAP Executive Director Mr. Teodoro Padilla, "ang immunization ang isa sa mga pinaka-epektibong hakbang kung nais nating maprotektahan ang ating mga anak, lalo na sa panahong ito. Mahalaga rin ito para mapigilan din ang anumang outbreak sa ating mga paaralan, mabawasan ang pag-absent, at siguruhing tuluy-tuloy ang kanilang pag-aaral. Magkaisa tayo sa pagsulong ng pagbabakuna."
Bilang mga magulang, gabay, at miyembro ng komunidad, responsibilidad nating masiguro na ligtas at bakunado ang ating kabataan, nang sila ay may kakayahang lumaki nang protektado mula sa iba't ibang mga sakit. Kailangan na nating kumilos para mawakasan ang immunization gap. Mga KasamBuhay, nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating kabataan, at ng ating mga komunidad.
------
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.