“Tatag lang, tatag lang!” Ito ang naging mensahe ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, sa kanyang libu-libong miyembro nang dalhin sa Pasig City Court noong Biyernes.
Iniharap si Quiboloy sa korte para sa arraignment ng mga kasong kanyang hinaharap gaya ng human trafficking at sexual harassment.
Hinihingi ni Quiboloy sa kanyang mga miyembro ang pag-unawa at maging matatag sila kahit na gaano pa kabigat ang problemang kinakaharap nito.
Si Quiboloy at ang apat pang co-accused nito na sina Ingrid Canada, Cresente Canada, Jacklyn Roy at Sylvia Cemenes, ay nag-plead ng not guilty sa lahat ng mga kasong kanilang hinaharap.
Nakapiit sila sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Sumuko sina Quiboloy noong Setyembre 8. Agad silang dinala ng C-130 military plane patungong Maynila kung saan nakahain ang kanilang mga kaso.
Ayon sa mga nakausap kong miyembro ng KOJC, lahat sila ay nananatiling matatag ang pananampalataya kay Quiboloy. Naniniwala umano silang malulusutan ng kanilang leader ang mga pagsubok na kahaharapin nito.
Ayon pa sa mga miyembro ng KOJC, mananatili silang loyal kay Quiboloy. Hindi umano nila ito iiwan sa gitna ng mga pagsubok na pinagdaraanan.
Patuloy umano nilang itataguyod ang KOJC dahil naniniwala sila sa pinanindigan nito bilang isang congregation.
Ayon pa sa KOJC members, hinding-hindi umano nila kalilimutan si Quiboloy kahit ano pa ang mangyari.