Isang estudyante sa Thailand ang nagmistulang “altar” ang desk sa classroom matapos nitong punuin ng Buddha amulets sa paniwalang makatutulong ito na makapasa siya sa exam!
Nag-viral sa Thai netizens kamakailan ang isang TikTok video kung saan makikita na nakahanay ang napakaraming Buddha amulets sa desk ng high school student na nagngangalang Matichon.
Ang naturang video ay kuha mismo ng guro ni Matichon na si Teacher Thanapat. Sa panayam kay Thanapat, sinabi nito na final exam sa kanilang paaralan noong kinunan niya ang video kaya dinala lahat ng estudyanteng si Matichon ang lahat ng amulet sa kanilang bahay bilang pampasuwerte sa kanyang pagsagot sa exam.
Ayon pa sa guro, hindi ito ang unang beses na ginawa ito ni Matichon dahil midterms pa lang ay may baon na itong mga amulet.
Sa isang panayam kay Thanapat, tinanong ito kung iniinspeksyon ba niya ang mga amulet kung may nakatagong kodigo, sinabi nito na tsinitsek niya lahat ng dala nitong amulet at wala namang kahit anong klaseng pandaraya siyang nahuhuli rito. Ikinuwento pa nito na umagang-umaga pa lang ay iniinspeksyon na niya ang mga amulet nito dahil napakadami nitong dala.
Ang mga nakita sa video na nakahanay sa desk ni Matichon ay kaunti kumpara sa nakakuwintas dito at bukod sa mga ito ay marami pa itong nakatago sa bag.
Malaking industriya ang amulet sa Thailand. Ang mga amulets o “Thai Buddha amulets” ay isang mahalagang bahagi ng kultura, relihiyon, at pamahiin ng mga Thai. Ginagamit ito ng mga Thai para sa proteksiyon, suwerte, at pagpapala.
May iba’t ibang uri ng amulets, kabilang ang mga may kinalaman sa Buddhism, Hinduism, at iba pang lokal na paniniwala.
Ang industriya ng amulets ay hindi lamang nakatuon sa mga espiritwal na aspeto, kundi maging sa ekonomiya. May malaking merkado para sa paggawa, koleksiyon, at bentahan ng amulets, mula sa mga simpleng disenyo hanggang sa mga bihirang, antigong amulets na maaaring umabot sa milyon ang halaga.
Maraming lokal at turista ang bumibili nito, at may mga pamilihan at tindahan sa Thailand na nakatuon lamang sa amulets. Ang mga collector ng amulets ay handang magbayad nang malaking halaga para sa mga amulet na may espesyal na kasaysayan o sinasabing may kakaibang kapangyarihan.
Tinanong si Teacher Thanapat kung sa tingin ba niya ay epektibo ang pagdadala ng amulet tuwing exam, kinumpirma nito na mataas ang mga nakukuhang grades ni Matichon. Pero naniniwala siya na pinagsama-samang talino, sipag at blessing ni Buddha ang dahilan kaya ito nakakakuha ng mataas na marka.